Advertisers
TUMULAK patungong Cambodia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang tatlong-araw na state visit doon.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), layon ng biyahe na ito ni PBBM na palakasin ang ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas at Cambodia, paigtingin ang kooperasyon laban sa transnational crime, at humingi ng suporta para sa susunod na ASEAN Chairmanship ng bansa.
Nakatakdang makipagpulong ang Pangulo kina Senate President Hun Sen at Prime Minister Hun Manet.
Magkakaroon din ito ng roundtable meeting kasama ang mga negosyanteng Pilipino at Cambodian, at makikipag-ugnayan sa Filipino community doon.
Ito ang kauna-unahang state visit ng isang Pangulo ng Pilipinas sa Cambodia sa loob ng halos siyam na taon kasunod na rin ng imbitasyon ni His Majesty King Norodom Sihamoni.
Kasama n Pangulo sa biyahe ang Unang Ginang Louise Araneta-Marcos at ilang miyembro ng gabinete mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Migrant Workers (DMW), at Presidential Communications Office (PCO).
Samantala, kasama rin sa delegasyon ang chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) upang palakasin ang kooperasyon sa larangan ng edukasyon sa pagitan ng dalawang bansa. (Gilbert Perdez)