Advertisers

Advertisers

CONG. TEODORO KINASUHAN NG SEXUAL ASSAULT NG 2 PULIS!

0 27

Advertisers

NAGSAMPA ng reklamo ang dalawang pulis laban kay Marikina 1st District Congressman Marcy Teodoro kaugnay ng umano’y panggagahasa sa pamamagitan ng ‘sexual assault’ at ‘acts of lasciviousness’, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes.

Ayon sa DOJ, dating close-in security ni Teodoro ang mga complainant.

Isa ang nagsabing gumawa ang mambabatas ng ‘acts of lasciviousness’ na pinarurusahan sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code. Ang isa naman, una munang in-assign sa asawa ni Teodoro bago siya inilipat sa mambabatas, nagsabing biktima siya ng ‘rape by sexual assault’ at iba pang kahala-yan.



Hindi isinapubliko ng DOJ ang kanilang pagkakakilanlan para sa seguridad.

Ang sabi naman ni Teodoro sa isang ulat, “waiting siya for the copy of the complaint.”



Tinawag ni Teodoro na “malisyoso at hindi totoo” ang alegasyon ng dalawang babaeng pulis laban sa kanya.

“Ang kanilang mga alegasyon ay walang sapat na basehan at gawa-gawa lamang na ang intensyon ay sirain ang aking reputasyon,” giit ni Teodoro.



Naniniwala si Teodoro na ang alegasyon ay “politically motivated attack.”

“May mga trumatrabahong pwersa. Mukhang orchestrated ang paglabas ng balita, at ang lumabas na kwento hindi kapani-paniwala. Sobra na at sunod-sunod ang mga atake sa akin nakakaawa na ‘ko,” diin ng solon.

Sinabi ng mambabatas na hindi pa ito nakakatanggap ng kopya ng reklamo: “Kaya wala akong kabuuang detalye or impormasyon tungkol sa mga alegasyon na ito.”

Ayon sa DOJ magsasagawa ng case build-up at legal evaluation sa reklamo upang malaman kung mayroong sapat na ebidensya bago magsagawa ng preliminary investigation.

“Inulit ng Departamento ang pangako nitong kumilos nang walang kinikilingan at ituloy ang lahat ng kaso nang mahigpit batay sa ebidensya at batas,” sabi ng ahensya.

“Ang isang alegasyon hindi maituturing na ebidensya,” sabi ni Teodoro. “Malinaw sa nakasaad na DOJ Circular, dapat may legal evaluation at pagsusuri ng ebidensya bago magsagawa ng preliminary investigation. Kaya maituturing ito na isang alegasyon pa lamang.”

Si Teodoro ay naging alkalde ng Marikina City mula 2016 hanggang 2025.