Advertisers

Advertisers

Ex-PH Marine binuking sina Co, Romualdez na tumanggap ng male-maletang kickbacks

0 26

Advertisers

IPINRISINTA kahapon ni Senador Rodante Marcoleta ang isang dating security consultant ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co kung saan siya mismo ang naghahatid ng mga maleta na may lamang pera sa bahay ni Co at ni dating speaker Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Marcoleta na lumapit sa kanya si Orly Regala Guteza na dating miyembro ng Philippine Marines at nagsilbing security aide ni Co noong Disyembre 2024 para tumestigo laban sa mga Kongresista.

Sa binasang affidavit ni Guteza, idinetalye niya kung papaano idine-deliver umano ang mga maleta na may lamang pera para kina Co at Romualdez.



“Tuwing may duty at detailed ako sa ‘basura,’ pumupunta kami sa 28 Ladybug corner Dragonfly, Valle Verde 6, Pasig City. Tagabuhat lang ako ng maleta ng basura. Ang ibig sabihin ng basura ay maleta na may lamang pera,” sabi ni Guteza.

“Ang bawat maleta ay may lamang humigit kumulang P48 million. Ang bawat maleta ay may Post-it na nakadikit na nakasaad kung magkano ang laman ng bawat maleta,” aniya.



Sinabi ni Guteza na inihatid nila ang mga maleta na may lamang pera sa bahay ni Co sa Pasig City, na tinatanggap ng mga executive assistant ng kongresista na kinilalang sina John Paul Estrada at Mark Tecsay. Kapag nabilang na ang pera, ililipat aniya ito sa unit ni Co sa Horizon Residences sa Taguig City.

Sinabi rin niya na may pagkakataong si Benguet Rep. Eric Yap, isang dating kinatawan ng ACT-CIS party-list, ay naghatid ng 46 na maleta ng pera sa baya ni Co.



“Bago ibaba ang nasabing basura, ito ay bawas na. Halimbawa, nag-akyat kami ng 46 maleta, ibababa lang namin ay 35 maleta para i-deliver sa mga bahay ni House Speaker Martin Romualdez sa 42 Mckinley Street, Taguig. Ang 11 maleta ay naiwan sa taas sa 56th floor Horizon Residences,” ayon kay Guteza.

“Humigit kumulang tatlong beses ako mismo ang nag-deliver ng basura sa bahay ni Congressman Zaldy Co sa Horizon Residences at sa mga bahay ni Speaker Romualdez sa 42 Mckinley Street, Taguig,” sabi pa nito.

Binanggit din ni Guteza na naghatid siya ng mas maraming maleta na may lamang pera sa bahay ni Romualdez kaysa kay Co dahil sa rotation ng mga security details.

Bunsod nito, hiniling din niya na mapasailalim sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ) dahil sa takot sa kanyang buhay.

Sa pagtatanong ni Marcoleta, inamin ni Guteza, na nagde-deliver siya ng pera sa mga bahay nina Romualdez at Co tatlong beses sa isang linggo mula noong Disyembre 2024 hanggang sa nagbitiw siya noong Agosto ng kasalukuyang taon.

Tinanong pa ni Marcoleta si Guteza kung saang lugar ng bahay ni Romualdez siya nagde-deliver ng mga maleta.

“‘Yung 42 [Mckinley Street] sa Forbes Park…meron pa ‘yung bago, nung nakaraan doon sa dating bahay ni Michael Yang…[at] Aguado diyan sa Malacañang,” tugon ni Guteza.

Tinanong din ni Marcoleta kung tinutukoy niya na binili ni Romualdez ang dating bahay ni Yang, na isang pangunahing personalidad sa imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“Allegedly, Your Honor…Kasi doon na nagde-deliver ang tropa nung hindi na nagde-deliver sa 42 (we started delivering money there when we stopped delivering in Forbes Park),” sagot ni Guteza.

Nauna rito, inakusahan ni dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo si Co, gayundin sina Senador Francis “Chiz” Escudero, dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at Nancy Binay, sa gitna ng imbestigasyon sa mga anomalya at ghost flood control projects. (Mylene Alfonso)