Advertisers
MALUHA-LUHANG ibinahagi ni Manila Councilor Eunice Castro sa sesyon ng konseho na paulit-ulit siyang hinaras ng kapwa nito konsehal.
Sa ulat, kinompronta ni Castro si Councilor Ryan Ponce.
“Shame on you for treating us women like objects! Wala naman akong pinakitang hindi maganda sa iyo, bakit mo ako binabastos?”
Idinetalye ni Castro ang mga pangyayari sa umano’y harassment.
“Gusto lang naman kitang batiin na ang galing mong magsalita. Sumenyales ako sayo ng high five, binaba ko, anong ginawa mo, dinutdot mo na naman ang kamay ko,” salaysay pa ng konsehal.
Ibinahagi rin niya ang mensaheng ipinadala sa kanya ni Ponce na kalaunan ay napag-alaman niyang isang “massage that focuses on the female genitalia.”
May mga pagkakataon din umano na nagkokomento si Ponce patungkol sa kanyang kasuotan.
“Marami ka ring binurang random message sa akin, katulad ng naka ‘see through ka kanina’, ‘good morning sexy’, ‘ina-abangan ko ang suot mo kanina,’ ‘patingin muna ng good morning face mo at pantulog mo para good morning talaga,’” pagbabahagi ni Castro sa sesyon.
Dahil dito, nanawagan siya sa lahat ng kababaihan na magsalita tungkol sa harassment.
“…Hindi niyo kailangang magpanggap para tratuhin kayo nang tama at hindi kayo nag-iisa. Hinihikayat ko kayong lahat, huwag mangamba, huwag magsarili, huwag mag-isa, huwag magkulong, Huwag matakot wala kayo. wala kayo, wala ta-yong dapat ikahiya, dapat rito sa taong abusado sa atin, tina-tayuan, tinatawag, nilalabanan sa tamang paraan.”
Nagpahayag naman ng suporta si Vice Mayor Chi Atienza kay Castro at nanindigan ito na walang puwang ang harassment sa City Council.
Sa inilabas na pahayag ng bise alklade, ang anumang uri ng harassment o hindi angkop na asal sa loob o labas ng session hall, hindi kukunsintihin ng Konseho.
“I stand with Councilor Eunice Castro and believe that what she has said during her privilege speech in our regular session today is admirable, as she has fought to have all the abused women’s voices heard. In our society where women are bound to endure their pain in silence, finally, there is a woman who stands for them,” sinabi ni Atienza.
Gayunman, binigyang-diin din ng Bise Alkalde na parehong karapatan ng nagreklamo at ng inirereklamo ang due process.
Agad nang ini-refer ang kaso sa Committee on Ethics and Good Government para imbestigahan, katuwang ang City Legal Office, at posibleng ihain ang reklamo sa ilalim ng Civil Service Laws, Code of Conduct for Public Officials, at RA 11313 o Safe Spaces Act.
Tiniyak ng bise alkalde na makikipagtulungan ang Konseho sa anumang independent investigation na isasagawa.
Nanawagan si Atienza na hayaang gumulong ang imbestigasyon nang patas, at panatilihin ang respeto sa karapatan at dignidad ng parehong panig. Dagdag niya, tungkulin niyang ti-yakin na mananatiling ligtas at may integridad ang Konseho ng Maynila.
Para kay Atienza, ang panig ng katotohanan at mabuting pamamahala ang laging papanigan ng City Council.
Humingi naman ng tawad si Ponce kay Castro at sinabing hindi niya sinasadya ang mga pangyaya-ring ito.
“Ako po ay tumayo rito hindi po para ipagtanggol ang aking sa-rili. Ako po ay tumayo rito para buong pusong, buong kababaang loob na humingi ng paumanhin sa aking nagawa, sa aking nasabi.”( Jocelyn Domenden)