Advertisers
SA tuwing dumarating ang sakuna—mapa-bagyo, lindol, o pagbaha—parang paulit-ulit ang tanong ng marami: handa ba tayo?
Masasabing sa isang bansang madalas tamaan ng kalamidad tulad ng Pilipinas, tila bahagi na ng ating pamumuhay ang pagtindig mula sa pagkawasak.
Ngunit sa kabila ng paulit-ulit na trahedya, may aral na paulit-ulit ding pinapatunayan: sa panahon ng sakuna, nagiging mas matatag ang Pilipino.
Hindi maikakaila na malaki ang epekto ng mga kalamidad sa kabuhayan ng mamamayan.
Nasasira ang mga pananim, natitigil ang hanapbuhay, at tumataas ang presyo ng mga bilihin.
Kaya naman mahalaga ang maagap na aksyon ng pamahalaan—mula sa pagtugon sa mga biktima hanggang sa pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng kabuhayan.
Malaking ginhawa ang malaman na hindi nakakaligtaan ng pamahalaan ang kapakanan ng mamamayan—lalo na pagdating sa presyo ng pagkain at pangunahing bilihin.
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ng Malacañang na may sapat na hakbang ang gobyerno upang mapanatiling matatag ang presyo ng mga produkto kahit sa gitna ng unos.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ikinakasa ng pamahalaan ang whole-of-government approach, ibig sabihin ay nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhang mamamayan.
Mula sa agrikultura hanggang sa kalakalan, malinaw ang layunin—huwag hayaang tumaas ang presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin na lalong magpapahirap sa taumbayan.
Isa sa mga pangunahing hakbang ni PBBM ay ang pagtulong sa mga magsasakang nasalanta.
Sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ipinamahagi ang mga bigas mula sa NFA at pinabilis ang access sa Quick Response Fund para sa agarang rehabilitasyon.
Higit sa lahat, nakatakda ring tumanggap ng tig-?7,000 na ayuda ang may isang milyong magsasaka bilang kabayaran sa lugi nilang ani.
Hindi rin nagpabaya ang Department of Trade and Industry (DTI), na agad nagpatupad ng price freeze sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad upang maiwasan ang pang-aabuso at biglaang pagtaas ng presyo.
Samantala, tiniyak naman ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na magpapatuloy ang mga programa para sa rehabilitasyon at tulong pinansyal para sa mga apektadong pamilya.
Maging ang Department of Energy (DOE) ay may ambag din sa pagpapanatiling matatag ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapalawig ng 100 megawatts na renewable energy capacity.
Aba’y ipinapakita ng mga hakbang na ito ang malinaw na direksyon ng administrasyon ni Pangulong Marcos—isang gobyernong hindi natitinag ng kalamidad, kundi mas lalong nagpupunyagi upang maibsan ang hirap ng sambayanan.
Sa panahon ng pagsubok o hamon, malinaw pa sa sikat ng araw na ang pagkilos na may malasakit at pagkakaisa ang tunay na nagbibigay ng pag-asa.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.