Advertisers
HINDI lumpong pato si BBM. Ang lumpong pato ay si Misfit Sara at ang mga kaalyado niya sa Kongreso. Si BBM ang may angking inisyatibo para idikta ang direksyon na dapat tahakin ng Filipinas ngayon at hinaharap. Hindi namin masabi ang ganoon kay Misfit Sara.
Kamakailan, iniluklok ni BBM si Jesus Crispin Remulla bilang Ombudsman kapalit ng walang kuwentang Samuel Martirez. Walang nagawa si Misfit Sara at mga kaalyado upang harangin ang kanyang appointment. Halatang kinakabahan sila haharapin sila ni Remulla tungkol sa kanilang pandarambong sa kaban ng bayan kaugnay sa flood control scam.
May bagsak ng salita si Boying na sila ang prayoridad, o uunahin, dahil hindi biro ang kanilang ninakaw mula sa kaban ng bayan – bilyon-bilyong piso. Ito ang tatahakin ng administrasyon ni BBM – dalhin sa hustisya silang mga magnanakaw.
Pangunahin sa mga inakusahan ng pandarambong sa kaban ng bayan si Misfit Sara dahil sa hindi niya naipaliwanag na paglustay sa P621 milyon na confidential fund na ibinigay ng Kongreso sa OVP and Deped na dati niyang pinamunuan.
Hindi nalalayo ang mga kaalyado, o kasabwat, sa paglustay sa salapi ng bayan lalo na ang mga senador – Tricky Tsis, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla (kahit natalo siya sa nakaraang halalan). Hahaba ang listahan ng mga magnanakaw na senador sa sandaling tapusin ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon nito sa mga fund insertion sa pambansang budget at flood control scam.
Karaniwang ituring na lumpong pato (lameduck) ang pangulo sa ikalawang bahagi ng kanyang anim na taong panunungkulan. Hindi na kasi siya pinapansin habang naghahanda ang iba’t ibang puwersang pulitikal sa susunod na halalang pampanguluhan.
Hindi magiging epektibo ang sinumang pangulo sa sandaling lumpong pato ang tingin sa kanya ng sambayanan. Ito ang iniiwasan ni BBM sapagkat hindi siya makapag-iiwan ng magandang alaala sa sambayanan tungkol sa kanyang panguluhan.
Marami pa siya magagawa upang patunayan na hindi siya lumpong pato. Maaaring ihanda na siya sa susunod na taon kung sino ang kanyang napipisil na humalili sa kanya sa 2028. Ngayon, mas abala siya na pilayin ang kampo ni Misfit Sara.
Gagawin niya ang lahat upang ganap silang mapuksa at hindi makapaghasik ng lagim sa mga susunod na taon. Iisa ang kalalabasan: Duterte Free Philippine 2025.
***
HINDI lumipad ang pangarap ni Alan Peter Cayetano. Hindi tinanggap ng mga kasamang senador na iluklok siya bilang kapalit ni Tito Sotto. Hindi siya nakabuo ng bagong Majority Bloc. Sa huli, nilulon niya ang kanyang pride.
Mahirap maging Senate President si Cayetano kung pagbabatayan ang kanyang political record. Limang taon na ang nakakalipas ng tumanggi siya na ibigay ang liderato ng Camara de Representante kay Lord Allan Velasco. May usapan na paghahatian nila ang pagiging ispiker ngunit nang natapos ang takdang panahon niya, ayaw ni Cayetano na bumaba sa poder at ibigay ang natitirang panahon kay Velasco.
Maraming palusot si Cayetano upang biguin ang pinag-usapan. Totoong kinasuklaman siya nga mga kasamang mambabatas dahil sa katawan nia sa kapangyarihan. Kahit si Gongdi na may pakana ng usapan ay hindi natuwa kay Cayetano. Bumaba lang siya dahil sa galit ni Gongdi at kasamahan. May karangalan ang mga kriminal.
Sa Senado, kumalat kamakailan ang usapan na may bagong mayorya dahil tutol ang maraming senador sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control scam kung saan mga mga senador na sumabit. Lumutang ang pangalan ng apat na senador – Tricky Tsis, Joel, Jinggoy at Bong kahit natalo siya sa halalan noong Mayo. Nagpahayag ng pangamba si JV Ejercito na marami pang sasabit at masusunog ang Senado bilang institusyon.
Hindi natuloy ang pagpapalit ng liderato ng Senado at batay sa pahayag ni Sotto, walang batayan na papalit si Cayetano. False alarm pala.
Sa maikli, matibay ang lagay ni Tito Sotto bilang lider ng Senado. Hindi siya matitibag ng basta-basta dahil lang sa ambisyon ng isang tao.
***
ISA pang malas na nilalang si Rodente. Wala siyang nagawa upang harangin ang paghirang ni BBM kay Boying bilang kapalit ni Samuel Martirez. Nagmukha siyang gago sa sagot ni dating Mahistrado Jose Mendoza sa kanyang tanong kung ano ang nangyari sa kanyang reklamo. Alam namin iyon, sagot ni Mendoza, pero sa desisyon namin, wala iyong kuwenta.
Mahilig pumapel si Rodente. Ang buong akala niya ay nakapagaling niya upang mapansin ng sanlumikha. Ang buong akala niya ay naihaharp niya ng ganap ang sagot sa maraming usapin ng bayan. Hindi pala. Ang totoo ay pinagtatawanan siya. Hindi siya sineseryoso. Ito ang dapat na malaman niya. Hindi siya big deal.
Pinakamaganda ang tumahimik na lang siya. Huwag siyang dakdak ng dakdak.