Advertisers

Advertisers

LALAKING NANIRA SA FB ‘GUILTY’ SA CYBERLIBEL

0 42

Advertisers

MARIKINA CITY – Hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) ng Lungsod ng Marikina ang isang lalaki na ‘guilty’ sa kasong cyber libel matapos mag-post sa Facebook ng mga mapanirang akusasyon laban sa isang community leader.

Sa desisyon ng korte, napatunayan na si Allan Sinlao ay nagkasala sa isang bilang ng ‘cyber libel’ sa kanyang mga pahayag na itinuring ng hukuman na “malisyoso at mapanira sa dangal ng isang pribadong indibidwal.”

Ang reklamo ay inihain ni Rosalie Perdigones, kilalang community leader na aktibong nakikilahok sa lokal na politika sa Marikina.



Ang kontrobersyal na post, na ipinaskil ni Sinlao noong 2024 sa kanyang personal Facebook account at sa pampublikong grupo “SamaSama Kay Marcy at Maan Teodoro” ay nagsasaad: “Usapan sa Daang Bakal hoarding daw kayo ng ayud. Isa ka palang DUPANG na leader… kakahiya.”

Ayon sa RTC, ang naturang post ay nagpahiwatig na ang biktima ay nagnanakaw ng ayuda na nakalaan para sa iba, dahilan upang siya ay mapahiya at mawalan ng dangal sa harap ng publiko.

“Ang pahayag ng akusado ay malinaw na paninira na naglantad sa complainant sa kahihiyan, at walang kinalaman sa anumang usaping pampubliko,” ayon sa korte.

Si Sinlao ay naharap sa dalawang bilang ng cyber libel, ngunit isa lamang ang nauwi sa hatol na guilty.



Ang unang kaso ay kaugnay sa isang Facebook post nang tinawag ni Sinlao ang ilang lider politikal na “mapaniil” o mapang-api. Pinawalang-sala siya ng korte sa kasong ito, sinabing ang pahayag ay lehitimong komentaryo sa usaping pampubliko at saklaw ng kalayaan sa pamamahayag.

Ngunit sa ikalawang kaso, na inakusahan niya si Perdigones ng pagha-hoard ng ayuda, tinukoy ng RTC na ito ay malisyoso, personal, at walang batayan sa katotohanan o interes ng publiko.

Sinabi sa desisyon ng korte: “Walang kinalaman sa kapakanan ng publiko ang paratang ng akusado. Ito ay ginawa lamang upang siraan at wasakin ang reputasyon ng complainant.”

Ipinagtanggol naman ni Sinlao ang kanyang mga post na aniya’y saklaw ng karapatan sa malayang pamamahayag. Ngunit giit ng korte, may hangganan ang kalayaan sa pamamahayag, lalo na kung ito ay ginamit upang manira o magparatang ng walang batayan.

Batay sa mga patnubay ng Korte Suprema (SC), nagrerekomenda ito ng multa sa halip na pagkakakulong sa mga kasong libel. Pinagmulta si Sinlao ng P50,000 imbes makulong. Inatasan din siyang magbayad ng P20,000 bilang moral damages at P10,000 exemplary damages kay Perdigones.

Binigyang-diin ng hukuman na ang insidente ay naganap sa gitna ng lokal na halalan noong 2025, at maaaring naapektuhan ng mainit na tensyon sa pulitika ang asal at emosyon ng akusado.

Ang kaso ay nagsimula sa gitna ng maiinit na palitan sa social media ng mga taga-suporta ng magkalabang kampo sa Marikina.

Ayon sa reklamo, sumali si Sinlao sa isang pribadong group chat ng mga volunteer, kumuha ng mga screenshot ng mga mensahe ni Perdigones, at kalaunan ay ginamit ito sa kanyang mga pampublikong post upang atakihin siya.

Sa pagpapawalang-sala sa unang bilang, kinilala ng korte na ang paggamit ni Sinlao ng salitang “mapaniil” laban sa ilang lider ay bahagi ng demokratikong diskurso. Ngunit sa hatol ng pagkakasala, binigyang-diin ng RTC na ang social media ay hindi lisensya para manira ng kapwa.

Ayon pa sa korte, ang kaso ay paalala at babala sa publiko na ang mga batas laban sa libel at defamation ay ganap na umiiral sa social media.

“Ang social media ay plataporma ng malayang pamamahayag ngunit hindi ito kanlungan ng paninira at kasinungalingan.”