Advertisers
HANDA na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) oras na may makasuhan kaugnay ng flood control scam, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Sabi ni Remulla, regular jail cells ang inihahanda para sa mga dawit sa ano-malya dahil pantay-pantay aniya ang patakaran ng kulungan, mayaman man o mahirap.
Posibleng sa New Quezon City Jail dalhin ang mga makakasuhan dahil ito ang pinakamalapit sa Sandiganbayan. Ayon pa sa kalihim, may mga toilet, shower, malinis na tubig, at lugar para mag-ehersisyo sa kulungan. Mayroon din aniyang kwarto na maaaring makausap ng mga akusado ang kanilang abogado.
Nilinaw rin ni Remulla na hindi gagamitin ang custodial center ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame para idetina ang mga sangkot.
Ayon sa kanya, aabot sa 200 katao ang posibleng kasuhan sa susunod na tatlong linggo, at unang makakasuhan ang mga pangalang lumabas na sa mga pagdinig ng Senado.
Bagaman hindi niya diretsong kinumpirma, sinabi ni Remulla na mabigat ang mga ebidensyang lumabas sa mga pagdinig.
Nauna nang ibinunyag ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser Rodolfo Azurin Jr. na mahigit 15 kaso ang isasampa sa Ombudsman sa mga sunod na araw.