Advertisers
MAGIGING malungkot pala ang pasko ng mga multi-milyonaryong pangunahing sangkot sa flood control scandal.
Ito ay kung hindi drawing ang ipinangalandakan ni Public Works Secretary Vince Dizon na siguradong sa kulungan magpapasko ang mag-asawang kontraktor na Discaya, Curlee at Sarah, at DPWH engineers Roberto Bernardo, Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza at ilan pang enhinyero ng DPWH 1st District ng Bulacan.
Ang naturang mga personalidad, pati si dating Ako Bicol Partylist Representative Zakdy Co, ay kinasuhan ni Sec. Dizon sa Department of Justice (DoJ), at pinakakasuhan narin ng Independent Commission for Infrastructures (ICI) sa Office of the Ombudsman.
Hindi narin sila makatakas o makalabas ng bansa dahil naisyuhan na sila ng Immigration Loolkout Bulletin Order (ILBO).
Ang hindi lang maaresto ay si Zaldy Co, ang founder ng Sunwest Construction na nakakuha raw ng P35-billion kontrata sa Bulacan pa lamang, na nakalabas ng bansa bago pa magsimula ang mga imbestigasyon sa flood control projects irregularities.
Tama lang na makulong na ang mga mandarambong na ito dahil galit na galit na ang taongbayan, lalo ang mga taga-Bulacan na lumalangoy sa baha tuwing buhos ng ulan dahil sa mga hindi napatayo o palpak na flood control na pinondohan ng bilyones na taxpayers money.
Kapag nakaligtas sa mga kaso ang mga taong ito, tiyak mag-aalsa ang mamamayan at malamang na magaya si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ama na napatalsik ng People Power noong 1986. Mismo!
***
Kaliwa’t kanan ang banat ng DDS trolls kay dating Senador Antonio Trillanes matapos niyang sampahan ng kasong pandarambong sa Ombudsman sina dating Pangulo Digong Duterte at Senador Bong Go.
Si Bong ay Special Assistant to the President (SAP) ni Digong noon.
Actually ang mga isinampang kaso ni Trillanes sa mag-among Digong at Bong ay ‘di na bago. Noon n’ya pa inaanunsyo ito, hindi nga lang umusad, inupaan kasi ng mga dating nakaupo sa DoJ at Ombudsman na mga tao ni Digong. Mismo!
Ngayong wala na ang mga “bata” ni Digong sa DoJ at Ombudsman, malamang na mabibigyan na ng hustisya ang matagal nang inaasam ni Trillanes.
Kaya nga nagwawala ngayon si Bong Go eh, kabado! Bagama’t wala nang bago sa mga inaakusa sa kanya ni Trillanes pero ngayon lang ito malamang na maaksiyunan ng korte lalo’t determinado ang DoJ at Ombudsman na mapanagot ang mga plunderer, ayon na rin sa pramis ni PBBM na mapakulong ang mga korap.
Subaybayan!