Advertisers
NAHULING nagnakaw ng gatas ang isang lalaki sa isang supermarket sa Tabuk, Kalinga, nguni’t agad ding nakalaya nang tulungan ng isang pulis.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Tabuk, nasakote ang lalaki sa Talavera Supermarket nang tangayin ang isang kahon ng Enfamil milk na may timbang na 1.725 kilo noong Oktubre 30.
Batay sa imbestigasyon, inamin ng lalaki na nagawa niya ang pagnanakaw dahil sa kagustuhang mapakain ang kanyang sanggol. Wala aniya siyang trabaho matapos ang isang construction project, at siya na lamang ang nag-aalaga sa anak matapos silang iwan ng kanyang misis.
Naawa si Sub-Station 2 Police Chief, LtCol. Jack Angog, sa kalagayan ng ama, kaya’t binayaran niya ang halaga ng ninakaw na gatas upang hindi na ito makulong at mabigyan ng pagkakataon makapagsimulang muli.
Pinuri ni Acting Chief PNP, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang ginawang malasakit ni Angog.
“I commend the local police chief for showing compassion while still upholding the law. Hindi naman natin sinasang-ayunan ang ginawa, pero nauunawaan natin na minsan, ang krimen ay bunga ng kahirapan o gutom. What the local police chief did reflects the human side of policing—enforcing the law with a heart,” ani Nartatez.