Advertisers
NAKIKIDALAMHATI at nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamilya ng anim na sundalo ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi matapos bumagsak ang isang Huey helicopter sa Agusan del Sur noong Nobyembre 4.
Pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, agad na naiparating sa Pangulo ang insidente at agad nitong inatasan ang Armed Forces of the Philippines at PAF na kumilos para matulungan ang mga naulila.
Binigyang-diin aniya ng Pangulo na hindi dapat pabayaan ang mga pamilyang iniwan ng mga sundalong nag-alay ng buhay sa serbisyo at sa bayan, lalo na’t ang naturang misyon ay kaugnay ng pagtulong sa mga apektado ng Bagyong Tino.
Sa hiwalay na pahayag, nagpahatid din ng taos-pusong pakikiramay ang Department of National Defense at kinilala ang katapangan ng mga piloto at crew na patuloy na tumutugon sa mga sakuna at kalamidad sa bansa.
Pinuri ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang dedikasyon ng mga ito sa tungkulin, na aniya’y mananatiling buhay sa alaala ng mga Pilipino na kanilang pinagsilbihan.
Tinawag naman ni PBBM ang mga nasawing sundalo bilang tunay na bayani, at tiniyak na mananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay-galang at tulong sa kanilang mga iniwang pamilya. (Gilbert Perdez)