Advertisers
Panahon na upang mahinto ang maling gawi ng mga bully.
Mabuti may nag-organisa ng Takbo Kontra Mga Bully, isang paraan para mapalaganap ang ginagawang pang-aapi ng ilang nasa di tamang pag-iisip.
Malaki ang pinsala lalo sa mga bata at kababaihan. Ngayon nga ay may cyberbullying pa sa Internet.
Si Gen. Nicolas Torre ang pangunahing personalidad sa likod ng sporting event sa Linggo sa Greenfield City, Sta Rosa, Laguna.
Ang “frozen delight” na heneral na siya rin kamakailan ang nagpaboksing sa Rizal Memorial Coliseum. Ang hindi sinipot ng katunggaling si Polong Duterte ay nakalikom naman ng pondo sa natirang paboksing na nagamit sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.
Ang patakbo naman bukas ay advocacy na at fund raising pa kaya suportahan natin.
Sumali tayo sa 500 m, 3k, 5k at 10k na mga kategorya.
Nakapagpawis na tayo at nakatulong pa sa mga nasalanta ng mga bagyo.
***
Mula pa 2010 ay involved na si Robina Gokongwei-Pe ng Robinsons sa men’s basketball team ng University of the Philippines..
Ito’y ayon mismo sa anak na babae ni John Gokongwei, founder ng business empire ng kanilang pamilya.
Sa panayam ni Coach Charles Tiu sa kanyang programa ay sa panahong ni walang panalo ang Fighting Maroons ay malaki na ambag nina Robina sa koponan.
Naimbitahan siya ng pamunuan ng team na manood ng mga game. At sa ikatlong laro na nasaksihan niya ay nagdesisyon siyang maging bahagi ng mga alumni na nagtataguyod sa squad.
Kaya laking tuwa ng mga Gokongwei sa tagumpay ng State U ngayon sa UAAP.
Nagkampeon pa sila taong 2022 at 2024. Hindi rin sila nawawala sa Final Four ng liga.
Ang negosyong Handyman na nabili ng Robinsons ang isa na makikitang nakatatak sa uniporme ng mga iskolar ng bayan.
***
Ayaw siyempre ng mga golfer na ma-convert ang Intramuros Golf Course na maging public forest park.
Kahit nga mga hindi naglalaro doon ay tutol din. May Save the Golf Course pa silang inilunsad.
Isa sa salungat rito si broadcaster na si Arnold Clavio. Sa kanyang fb account inihayag niya ang kanyang posisyon sa isyu.
Nguni’t sabi nga ng mga proponent ay higit marami ang makikinabang sa plano. Tutal kakaunti naman ang gumagamit pa ng lugar sa kanilang pagpalo.
Para sa iilan vs sa para sa lahat?