Advertisers
NANAWAGAN ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na huwag gawing isyu sa pamumulitika ang mga bintang ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa inilabas na pahayag noong Sabado, Nobyembre 15, na pirmado ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David, nagbabala ang CBCP na ‘wag gawing isyu sa pamumulitika (“political exploitation”) ang mga kuwento ni Co sa kanyang inilabas na ‘video confession’ noong Biyernes at Sabado.
“We likewise caution against the political exploitation of these allegations, especially when released at sensitive moments that may inflame public sentiment or be used to influence political outcomes,” anang CBCP.
Ang babala ng samahan ng mga Katolikong Obispo ay sa harap ng ikinasang serye ng mga kilos protesta laban sa korapsyon sa gobyerno na magsisimula ngayong Lunes kungsaan ang pinakamalaking grupo ay pangungunahan ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Nagsimula ang 3-araw na pagkilos ng INC nitong Linggo at tatagal hanggang Martes, kungsaan magsasagawa rin ng kilos-protesta ang iba pang mga grupo.
Sa kuwento ni Co, si Pang. Marcos umano ang nag-utos sa kanya na “magsingit” (insertion) ng halagang P100 bilyon para sa mga proyekto sa 2025 national budget nang tinatalakay pa nila ito sa ‘BiCam’ (Bicameral Conference Committee) noong isang taon (2024).
Ayon naman sa CBCP, ang kailangan ngayon ng mga Pilipino ay “paglilinaw” at hindi sapantaha, katotohanan at hindi tsismis, at pananagutan hindi manipulasyon.
Anila pa, mas makabubuti kay Co na bumalik na ng Pilipinas at dito patunayan ang kanyang mga ikinuwento sa social media.
“Public declarations on social media, however alarming, cannot take the place of formal testimony in the appropriate legal venues.
“For the good of the nation, such claims must be examined transparently, impartially, and in accordance with the rule of law,” dagdag pa ng Kardinal.