Advertisers
NAKATAKDANG isalang na sa bicameral conference committee ang panukalang P6.793 trilyong national budget simula Disyembre 12 hanggang 14 na gaganapin sa Centro de Turismo sa Intramuros sa Maynila.
Ito ay makaraang aprubahan kahapon ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 2026 national budget kung saan 17 senador ang pumabor, walang kumontra, at walang nag-abstain sa 2026 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate finance committee mas transparent, mas may disiplina at mas masinop ang panukalang 2026 national budget kaysa nakaraang taon.
Aniya, sa ilalim ng bersyon ng Senado, nananatiling ahensya ng gobyerno ang Department of Education (DepEd) na may pinakamalaking budget na may P1.37 trilyon para sa susunod na taon.
Mula sa naturang halaga, P65.93 bilyon ay para sa pagpapatayo ng mahigit 24,000 na bagong silid-aralan sa buong bansa at P28.66 bilyon para sa pagpapatupad ng school-based feeding programs.
Ayon pa kay Gatchalian, ang panukalang 2026 budget ay magpapalakas sa zero balance billing program ng mga ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) na may P62.66 bilyong alokasyon mula sa P53.3 bilyon sa General Appropriations Bill.
Binanggit din ni Gatchalian na pinalakas din ang mga specialty hospitals – ang Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at Lung Center of the Philippines kung saan may kabuuang pondo P6.9 bilyon para rito.
Samantala, iginiit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na igigiit ng mga senador ang livestream ng mga pagdinig ng bicameral conference committee sa gitna umano ng pagtutol ng ilang kongresista.
“Hindi ako papayag nang hindi naka-livestream… Kanina kasama namin si Speaker Bojie wala naman siyang sinabi. Hindi kami papayag kasi ‘yun ang usapan namin nina President,” diin ni Sotto
“Walang kinalaman sa laman.Gusto namin kitang-kita ng publiko sino naglagay nang nagpasok niyan, ano ang budget sa tatlong pinakamahalaga – DepEd, DOH, Agriculture,” hirit ng Pangulo ng Senado.
Patuloy ni Sotto, hindi bahagi ng agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting ang livestreaming ng bicam committee hearing dahil itinuring na itong standard operating procedure (SOP) kasunod ng anunsyo ni Marcos noong Oktubre.
“Matagal na namin napag-usapan na livestream,” dagdag ni Sotto. (Mylene Alfonso)