Advertisers
MSA katapusan ng 2025, ito ang masasabi namin: Hindi nagtagumpay ang destabilization plot ng pangkat ni Sara Duterte. Bigong-bigo sila. Hindi nauga ang gobyerno ni BBM. Matatag ang gobyerno. Hindi ito babagsak hanggang matapos nya ang termino sa 2028.
Bumaligtad ang sitwasyon. Ang mga Duterte ang nasa depensiba ngayon. Tuloy ang paglilitis ni Sara sa Senado bilang hukuman. Aalamin ng Senado kung guilty o hindi si Sara sa mga paratang na ibinato ng Camara de Representante sa Articles of Impeachment na isinumite ng Camara sa Senado laban sa kanya.
Hindi dapat mangamba sa panganib na ibabagsak ng pangkat ni Sara si BBM upang humalili sa kanya ang kontrobersyal na si Sara. Sa totoo, mukhang hindi lang ang Articles of Impeachment ang dapat harapin ni Sara. May mga sakdal na ihaharap laban sa kanya sa hukuman. Haharap siya sa sakdal na plunder.
Kinakabahan kahit ang dalawang senador na taga-Davao City – Bato dela Rosa at Bong Go. May bumabang arrest warrant mula ICC laban kay Bato. Mukhang susunod ang arrest warrant kay Bong Go. Sila ang nagpatupad ng war on drugs ni Gongdi. Si Bato ang nagpatupad at si Bong Go ang nagbigay ng pabuya at pondo. Hindi nila maitatago ang kanilang kinasasangkutan.
***
Pero katawa-tawa at kakatwa ang kanyang abugado. Nagtatago si Bato dahil pinahahalagahan niya umano ang pansariling kaligtasan. Kahit nagtatago, hindi pinababayaan ni Bato ang kanyang trabaho bilang mambabatas. Ibang-iba na ito. Masasalamin na kahit ang abogado ni Bato ay tinakasan na rin ng sariling bait.
Paano magagampanan ni Bato ang trabaho bilang mambabatas kung nagtatago siya at hindi dumadalo sa mga sesyon plenaryo at committee hearing? Ibang klase mangatwiran ang kanyang abogado. Niloloko na tayo. Hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan at sisikat lang.
***
TULOY-tuloy na ang pagbagsak ng kapalaran pulitikal ni Sara Duterte. Biglang lumantad sa publiko si Ramil Madriaga, isang dating tauhan ni Sara sa OVP. Nagbigay ng sinumpaang salaysay si Madriga na nag-aakusa kay Sara na siya ang “dating bagman” na naghatid sa kanya ng mga pera nasa duffel bag para sa kampanya noong 2022.
Galing ang perang pangkampanya mula sa mga POGO, aniya. Nagtrabaho si Madriaga sa ilalim ng dalawang opisyales ng militar na malapit kay Sara – Col. Dennis Nolasco at Col. Raymund Dante Lachica. Kinilala ang dalawang opisyal na tumanggap ng confidential fund ni Sara mula sa bangko at dinala sa hindi maipaliwanag na destinasyon.
Ngunit nababalot sa hiwaga ang katauhan ni Madriaga dahil ibinunyag ng isang kolumnista na binisita sa hatinggabi ang dating bagman. Nakakulong kasi si Madriaga dahil nakaaway niya si Harry Roque, ang puganteng manananggol na nagtatago sa Europa. Nagtagpi-tagpi ng ilang katibayan si Roque upang maakusahan ng kidnapping si Madriaga at makulong. Walang piyansa sa kidnapping.
Hindi natuwa si Madriaga sa pagkunsinti ni Sara kay Roque. Inamin ng abogado ni Madriaga na may galit ang dating bagman kay Sara sapagkat hindi siya gumawa ng paraan upang mapalaya si Madriaga. Lumalabas na kasalanan ni Roque kung bakit nakakulong si Madriaga.
Hindi namin alam kung paano babangon si Sara sa bagong gusot na kinakasangkutan. Hindi pa tapos ang usapin ng impeachment trial at may bagong isyu na naman. Samantala, may balita na may isasampang plunder case laban sa kanya bago ang Pasko.
***
HUWAG intindihin ang ingay ng pekeng environmental group lalo na iyong nagmamagaling at nagpapanggap na tagapangalaga ng kaligiran ng Zambales. Masyadong maingay pero walang saysay at malinaw na kalatas ang kanilang ipinaglalaban umano.
Hindi totoong environmentalist ang nagpapagalaw ng mga pekeng environmental group sa Zambales. Marami sa kanila ang may-ari ng mga resort establishment doon. Hindi lang nila naunawaan nang winasak ng mga malalaking alon at malalakas na hangin ang kanilang resort establishment noong kasagsagan ng hanging habagat.
***
Email:bootsfra@gmail.com