Advertisers

Advertisers

KUTA NG ‘BURIKI’ SYNDICATE SA BATANGAS NI-RAID: 14 TIMBOG

0 2,055

Advertisers

“DINE sa Batangas, walang takas!”

Ito ang mariing babala ng Batangas PNP Provincial Director, Colonel Geovanny Emerick Sibalo, matapos salakayin ng kanyang mga operatiba ang isa sa limang kuta ng sindikatong nagnanakaw ng oil at petroleum products, at naaresto ang 14 katao habang nasa akto ng pagsasalin sa mga drum at plastic canister ng mga nakaw na produkto sa kanilang nababakurang kuta sa Barangay Banaba West, Batangas City.

Dalawang magkatabing kuta sa Bgy. Banaba Center, pawang sa Batangas City at Bgy. Guinhawa, Tuy, Batangas.

Nasasam sa mga suspek ang 5000 litro ng gasolina na nagkakahalaga ng P60,000. Inireklamo ang mga ito ng paglabag sa Presidential Decree 1865 (Oil Pilferage Law) sa tanggapan ng Batangas City Prosecutor’s Office.

Inihayag ni Col. Sibalo na kanilang ipagpapatuloy ang masugid na pagmamanman upang maging matagumpay ang pagsisikap ng pulisya na labanan ang sindikatong sangkot sa oil pilferage (buriki/paihi) at iba pang uri ng kriminalidad.

“This significant arrest demonstrates our commitment to cracking down on illegal activities that undermine our economy and endanger our communities. We will continue to be vigilant in our effort to combat oil pilferage and other crimes”, pagtiyak ni Col. Sibalo.

Ayon sa grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), si Col. Sibalo ay alipin ngayon ng kanyang salita na pagbaka laban sa oil pilferage kaya’t tungkulin niyang supilin hindi lamang ang nag-o-operate sa Brgy. Banaba West kundi lahat ng sindikato ng buriki sa kanyang hurisdiksyon.

Ayon pa sa MKKB, sa Batangas City pa lamang maliban sa Brgy. Banaba West ay may apat pang grupo ng sindikato ang nag-o-operate ng “industriya ng buriki/paihi”, ngunit nakapagtatakang hindi natitinag ang naturang sindikato ng mg elemento ng Batangas City Police sa ilalim ni LtCol. Ira Morillo.

Tinukoy ng MKKB ang kuta ng sindikato ng magkakasosyong alias Medic Ferrer, Egay, Manny at Patrick sa Brgy. Soro-Soro Karsada, at dalawa pang magkatabing kuta sa Brgy. Banaba Center By Pass Road, Batangas City. Ang naturang mga kuta ay nakunan ng litrato ng Police Files Tonite Reportorial team kasama ang ilang miyembro ng MKKB.

Ang isa pang sindikato na pinatatakbo ng isang alyas Balita sa Brgy. Simlong ng naturan ding lungsod ay hindi lamang sangkot sa oil pilferage kundi responsable din sa malawakang smuggling ng petroleum product mula China at Malaysia.

Bagama’t patuloy na inirereklamo ng mga residente ang perwisyo at delikadong operasyon ng naturang sindikato ay wala namang aksyon laban dito maging si PNP Region 4A Director, Brig. General Paul Kenneth Lucas.

Maliban sa Batangas City ay nag-o-operate din ang kuta nina alyas Medic Ferrer, Egay, Manny at Patrick sa Brgy. Laguile sa bayan ni Taal Mayor Nene Bainto. May kuta din ang naturang sindikato sa boundary ng national highway ng Taal at Lemery sa hurisdiksyon ni Lemery Mayor Ian Alilio.

Binabatikos din ang operasyon nina alyas Medic Ferrer, Egay, Manny at Patrick sa Brgy. Guinhawa, sa bayan ni Tuy Mayor Jose Jecerell Cerrado, pagkat nasa tabi lamang ito ng eskwelahan ng naturang barangay. Gayunman walang aksyon laban sa naturang sindikato sina Col. Sibalo, Mayor Cerrado at Police chief Major Roy Cuevas.

Nag-o-operate sa Brgy. San Pedro sa bayan ni Bauan Mayor Wendah Dolor ang sindikatong pinamumunuan ng isang alyas Bryan at isang pekeng pulis na si alyas Bobis. Front ng sindikato ang isang vulcanizing shop kungsaan iniimbak ang milyones na halaga ng nakaw na produktong petrolyo mula sa mga barkong nakadaong sa Batangas City Bay at mga tanker, capsule at cargo trucks.

Ilang sasakyang dagat ang gamit nina Bryan at Bobis sa lantarang pagnanakaw ng mga petroleum product, gayunman walang hakbang laban sa naturang sindikato si Bauan Police chief LtCol. Carlito Valdez.

Dalawa pang sindikato ang nag-o-operate sa bayan ng Padre Garcia. Ang mga ito ay ang pinatatakbo ng isang alyas RR sa Brgy. San Felipe at isang alyas Roy sa Brgy. Bawi.

Ayon pa sa MKKB, sa kabuuan ay hindi kukulangin sa 30 sindikato ng oil smuggling at pilferage ang nag-o-operate sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, ngunit nanatiling bulag si BGen. Lucas.

Ilan sa mga ito ay ang nagkukuta sa mga bayan ng Candelaria, Tayabas, Tiaong at Pagbilao na pinatatakbo din nina Medic Ferrer na isang talunang pulitiko; Egay, Manny at Patrick, sa Brgy. Talisay sa bayan na minamantine ng isang Charlie at sa Brgy. Lagalag na pinatatakbo ng isang alyas Roy Villanueva, kapwa sa Tiaong; sa Brgy. San Luis, Guinyangan na ino-operate nina alyas Sammy at Alfred, parehong sa lalawigan nina Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan at Quezon PNP PD Col. Romulo Albacea; sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite na ino-operate ni Amang, Aldo at Violago Group; sa Calamba City ang pinatatakbo ng magkapatid na Ador; sa Brgy. Makiling at Brgy. Paciano Rizal pawang sa lalawigan ni Laguna Gov. Sol. Aragones at maraming iba pa. (CRIS A. IBON)