Advertisers
HANDANG harapin ni Pangulong Ferdinand ‘’Bongbong’’ Marcos Jr. ang anumang impeachment complaint laban sa kanya.
Ito ay ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
Binigyang-diin ni Castro na iginagalang ng Pangulo ang due process sa bansa gayundin ang 1987 Constitution.
Nanindigan din siya na ang Pangulo ay hindi kailanman nagnakaw ng pondo ng publiko at pinasimulan pa niya ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects upang tugunan ang mga tiwaling indibidwal.
‘’Ang Pangulo naman handa naman po sa lahat ng pagkakataon dahil siya po ay gumagalang sa Konstitusyon, gumagalang po siya sa proseso,’’ pahayag ni Castro.
“Handa ang Pangulo anumang oras dahil iginagalang niya ang Konstitusyon at ang proseso.
‘’Pero kung pag-uusapan po natin ay breach of public trust dahil nabanggit ito tungkol sa diumanong pagpirma sa GAA, ang Pangulo po, unang-una, hindi po siya nagnanakaw ng pera.
Pangalawa, siya po ang nagpapa-imbestiga sa mga maanomalyang flood control projects at maaaring maging sanhi ng korapsiyon. Pangatlo, wala po siyang ‘Mary Grace Piattos,’’ dagdag pa ni Castro.
“Mary Grace Piattos” ang pangalan at lagda na pinakamaraming lumabas sa mga resibo ng pagkilala para sa mga kumpidensyal na pondo ng mga tanggapan sa ilalim ni Bise Presidente Sara Duterte.
Nauna rito, ipinagkibit-balikat ni Castro ang diumano’y planong maghain ng impeachment complaint laban kay Marcos, at sinabing ang naturang hakbang ay “political maneuvering.”
Sa panayam ng Unang Balita nitong Lunes, sinabi rin ni Castro na walang basehan ang planong magsampa ng impeachment complaint.
“Ito ay walang basehan, mga sinasabi-sabi lamang. It has no basis, it’s just talk,” aniya.
Matatandaang, si House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice ang nagpahayag na maaring humarap si pangulong Marcos sa impeachment complaint.
Sinabi ng mambabatas na may mga indibidwal na umabot sa kanya para iendorso ang impeachment complaint laban sa Pangulo dahil sa betrayal of public trust.
Ang mga indibidwal na ito ay mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Erice.
Sinabi ni Castro na dapat siyang tulungan ng mga tagasuporta ng Bise Presidente sa halip na itulak ang impeachment complaint laban sa Pangulo. Ang impeachment complaint ay hindi dapat gamitin para sa publisidad o para maghasik ng takot.
Sa gitna ng mga ulat sa posibleng impeachment complaint, tiwala pa rin ang Pangulo sa suporta ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso, ani Castro. (Vanz Fernandez)