Advertisers

Advertisers

Babala sa mga tulisang DPWH engineers: ALCANTARA BINAWIAN NA NG LISENSIYA NG PRC

0 9

Advertisers

BINAWI na ng Professional Regulatory Commission (PRC) ang professional license ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer na si Henry Alcantara dahil sa pagkakasangkot niya sa mga katiwalian tulad ng flood control projects sa Bulacan 1st District.

Ayon sa Professional Regulatory Board of Civil Engineering (PRB-CE), napatunayang “guilty of gross unprofessional and unethical conduct” si Alcantara matapos matukoy ng DPWH na may pananagutang administratibo siya sa paglalabas ng pondo para sa ghost infrastructure projects habang siya ay district engineer, officer-in-charge, at assistant regional director.

Sinabi ng board na sinadya ni Alcantara ang pag-apruba ng bayad para sa mga proyektong hindi naman umiiral, na isang mabigat na paglabag sa Code of Ethics for Civil Engineers at pagtataksil sa tiwala ng publiko.



May karapatan si Alcantara na magsumite ng Motion for Reconsideration sa PRB-CE sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng desisyon.

Kapag ito ay tinanggihan, maaari siyang maghain ng apela sa PRC sa loob din ng 15 araw.



Si Alcantara ay kabilang sa Witness Protection Program (WPP) kaugnay ng flood control corruption scandal, kasama ang dating DPWH engineers na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inakusahan ni Alcantara ang ilang mambabatas na tumanggap ng “commitments” mula sa kanilang budget insertions.



Ayon sa kanya, 25 hanggang 30 porsiyento ng pondo ng mga isinisingit na proyekto ang ibinibigay niya kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na umamin ding ipinapasa ang pera sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno.

Dagdag ni Alcantara, ang mga pondo ay mula sa General Appropriations Act, kabilang ang mga kontrobersyal na unprogrammed allocations.

Naibalik na niya sa gobyerno ang hindi bababa sa P181 milyon, bahagi ng P300 milyon na kailangan niyang isauli bilang kondisyon ng kanyang pagsali sa WPP.