Advertisers
SINABI ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng paraan para maiuwi ang dating mambabatas na si Zaldy Co, na sangkot sa mga anomalya sa flood control.
Sa isang panayam sa telepono sa mga mamamahayag sa Malakanyang, sinabi ni Remulla na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand ‘’Bongbong’’ Marcos Jr. na pag-aralan ang iba pang paraan upang maibalik ang dating mambabatas sa Pilipinas.
Nilinaw niya ang kanyang pahayag na nais ng Pangulo na magkaroon ng extradition treaty sa Portugal para sa pag-aresto kay Co.
‘’Extradition is almost impossible kasi wala tayong treaty but there are other avenues we are studying para magawa siya,’’ ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na may iba pang mga paraan na maaaring galugarin ng gobyerno ng Pilipinas upang makuha si Co, kabilang ang sa pamamagitan ng Interpol, United Nations, at iba pang ahensya.
“Inatasan tayo ng Pangulo na pag-aralan ang posibilidad na mag-apply para sa extradition para sa Zaldy Co sa Portugal. Pinag-aaralan pa namin kasi ang magulo dito ay wala tayong extradition treaty,’’ sabi pa ni Remulla.
Aniya, “Pero may mga avenue na pwede nating ituloy na gustong pag-aralan ng Presidente.
Hindi pa nakakabalik si Co sa bansa sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon sa mga budget insertion at flood control projects. Umalis si Co ng Pilipinas for medical reasons.
‘’We will look for all possible means to repatriate Zaldy Co to the Philippines… not extradite, repatriate,’’ sabi pa niya.
Siya ay pinaghihinalaang may hawak na isang Portuges na pasaporte, na “nakuha ng maraming taon na ang nakalilipas.”
Noong nakaraang taon, inihayag ni Pangulong Marcos na naglabas na ng warrant of arrest laban kay Co at sa 15 iba pa, kabilang ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga direktor ng Sunwest Corp., kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Ito ay matapos magsampa ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan corruption and malversation of public funds charges laban kay Co at iba pa.
Nauna nang idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang “fugitive from justice” at iniutos ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang kanyang Philippine passport.
Noong Disyembre, inihayag ng Pangulo na kanselado na ang pasaporte ni Co. (Vanz Fernandez)