Advertisers
Nanawagan si Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Party-list Representative Harold Duterte sa mga kapwa mambabatas na pag-aralang mabuti at pagnilayan ang mga prinsipyo at batayan ng impeachment.
Ito ay sa harap ng panibagong impeachment complaint na planong ihain laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Rep. Duterte, dapat suriing mabuti ng mga kongresista ang mga ebidensyang nakapaloob sa reklamo at bumoto batay sa konsensya, katotohanan, at sa Saligang Batas.
Diin pa ni Congressman Duterte, malinaw na itinatakda ng Konstitusyon ang mga basehan ng impeachment na kinabibilangan ng culpable violation of the Constitution, pagtataksil sa bayan o sa tiwala ng mamamayan, bribery, graft and corruption, at iba pang matitinding krimen.
Aniya, kung ang mga ito ang pagbabatayan, malinaw na hindi ang Bise Presidente ang nararapat na ilagay sa “hot seat” o sampahan ng reklamong impeachment.
Giit pa ni Duterte, napakarami pang suliranin ng bansa kaya inaasahan ng taumbayan na tututok ang Kongreso sa pagpasa ng mahahalagang batas sa halip na lumikha ng political crises kahit wala umanong malinaw na kaso o matibay na basehan.
Paalala ni Rep. Duterte, ang impeachment ay hindi dapat gawing sandatang pampulitika dahil isa itong bihira at mabigat na proseso na nararapat lamang gamitin kung may tunay at malinaw na pagkakasala.
MAKABAYAN BLOC, KUMBINSIDONG MAY BASEHAN PARA MA-IMPEACH SI PBBM
Samantala binigyang-diin naman ng Makabayan bloc sa Kamara na may basehan para ipa-impeach si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ayon sa mga bumubuo ng Makabayan Bloc na sina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co, maaaring batayan ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ang malawakan at sistematikong pandarambong sa pambansang pondo.
Kasamang tinukoy ni Tinio, Elago at Co ang unprogrammed appropriations at alegasyon na may kickbak ang Palasyo mula sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Pahayag ito ng Makabayan bloc makaraang sabihin ni Senior Deputy Minority Leader Rep. Edgar Erice na pinaplano ng ilang mambabatas na magsulong ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr.
Binanggit naman ng Makabayan bloc na sa ngayon ay wala pa silang nakukuhang impormasyon na mayroon nang inisyatibo sa Kamara para ipa-impeach si PBBM.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email: balyador69@gmail.com – Lagi ring tumutok sa programang BALYADOR tuwing martes at linggo 2:30pm-3:30pm sa DWBL 1242 kHz AM band nationwide Mega Manila at tuwing lunes at biyernes 11:00am-12:00noon sa local radio DWXR 101. 7 FM Calapan City,