Advertisers
Mahigit 10,820 residente ng Caloocan ang inaasahang makikinabang sa Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) matapos simulan ng pamahalaang lungsod, katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pambansang pamahalaan, ang turnover ng mga housing unit sa unang pangkat ng mga rehistradong benepisyaryo sa Barangay 168, Deparo.
Binubuo ng mahigit 125 indibidwal ang unang batch ng mga benepisyaryong tumanggap ng kanilang bagong tahanan sa ilalim ng programa, na layong magbigay ng abot-kaya, disente, at permanenteng pabahay para sa mga mahihirap at marhinalisadong sektor ng lungsod, partikular ang mga matagal nang informal settlers.
Nagpahayag ng pasasalamat si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga ahensiyang nakipagtulungan upang maisakatuparan ang programa, at binati rin ang mga benepisyaryo sa pagkakaroon ng bagong tirahan.
“Maraming salamat po sa National Housing Authority (NHA), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at Pag-IBIG Fund sa inyong pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang matiyak na mabigyan ng tirahan ang mga kababayan nating lubos na nangangailangan,” pahayag ni Mayor Malapitan
“Sa ating mga, nawa’y magsilbing bagong pag-asa ang inyong mga bagong tahanan. Sana ay alagaan ninyo ito upang mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon ng inyong pamilya,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ipagpapatuloy ang pamamahagi ng mga housing unit sa ilalim ng koordinasyon ng Housing and Resettlement Office (HARO), kung saan inaasahang mahigit 60 housing unit pa ang ilalaan para sa mahigit 200 karagdagang benepisyaryo sa mga susunod na linggo.(BR)