Advertisers
TINAGA sa ulo at muntikan pang masunog ang bahay ng mag-ina nang atakihin ng lalaking pinagtsitsismisan nila sa General Santos City.
Ayon sa ulat, habang nagpapahinga ang mag-inang Merriam Endal Kalamag, 45 anyos; at anak na si Moisher, 19, sa loob ng kanilang tahanan nang makarinig sila ng ingay.
Tinangka umanong sunugin ng lalaki ang bahay ng mga biktima, nguni’t agad silang nakalabas at nakahingi ng tulong. Mabilis namang naapula ng mga residente ang sunog.
Habang nakatayo sa may tindahan ang mag-ina, muling inatake sila ng lalaki gamit ang itak. Unang tinamaan sa ulong bahagi ang binata, at mabilis siyang nakatakbo upang humingi ng tulong.
Mabilis nakatakas ang salarin, habang naisugod sa ospital ang mga biktima na ngayo’y nagpapagaling.
Ilang oras ang lumipas, nadakip ng mga awtoridad ang salarin, isinuko ito ng kaniyang mga kaanak.
Depense ng salarin, nagawa niya ang krimen dahil sa pagkakalat ng mga biktima ng tsismis laban sa kaniya.
Aniya, sinisisi niya ang mag-ina nang tuluyan silang naghiwalay ng kaniyang asawa. Hindi raw kasi siya tinitigilan ng mga ito na magpakalat ng kuwento tungkol sa kaniyang personal na buhay.
Nahaharap siya sa mga kasong frustrated murder, serious physical injury at arson.