Advertisers
NASAWI ang 21-anyos na working student nang saksakin habang naglalakad pauwi mula sa trabaho kasama ang isang kaibigan sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal noong Pebrero 8.
Nakita sa CCTV footage na ang biktima, nakilalang si Jade Barona, kasama ang kaniyang kaibigan ay sinalakay ng tatlong lalaki upang holdapin sila.
Saad ng Rodriguez Police, kinuha ng mga salarin ang bag ng kaibigan ni Barona. Tinangkang tulungan ni Barona ang kaibigan, nguni’t hindi niya namalayang nasaksak na pala siya habang pilit na binabawi ang bag.
Tumakas ang mga salarin, habang dinala si Barona sa ospital kungsaan ito namatay.
Limang araw pagkatapos ng insidente, naaresto ang isa sa tatlong salarin, isang menor de edad, at nakumpiska ang .45 caliber pistol at mga bala mula sa kanya. Nasa kustodiya na ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Police Lt. Col. Arwyn Gaffud na isinasagawa ang manhunt para sa dalawa pang salarin.