Pagpapalabas ng P18-M na allowance para sa halos 3,000 retiradong guro ng Maynila ipinag-utos ni Mayor Isko
Advertisers
Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ang pagpapalabas ng P18 milyon para sa halos 3,000 retiradong public teachers sa Lungsod.
Saklaw nito ang kanilang Old Age Sustenance Allowance (OASA) para sa buong taon ng 2025 alinsunod sa
Ordinansa Blg. 7977, na nagkakaloob ng P500 kada buwan o P6,000 kada taon sa mga kwalipikadong retiradong guro na may edad 70 pataas.
Sinabi ng Alkalde na ang orihinal na kahilingan ay para lamang sa anim na buwang allowance na nagkakahalaga ng P9 milyon, ngunit pinili niyang aprubahan ang kabuuang bayad para sa buong taon.
Nilagdaan ni Domagoso ang pagpapalabas ng pondo noong Pebrero 13 at inatasan ang City Treasurer’s Office na iproseso ang mga pagbabayad, na magsisimula mula Pebrero 16 hanggang 20.
“Last Friday, sabi ko kay Paul noong nag-uusap kami, sabi ko, ‘Araw ng mga Puso, iparamdam natin ang pagmamahal at utang na loob sa ating mga guro,’” dagdag pa ng alkalde.
Sinabi rin ng Alkalde na ang pagbuti ng pananalapi ng lungsod ay nagbigay-daan upang matugunan ang mga naunang obligasyon, kabilang ang mga naiwang utang bago pa ang kanyang termino.
Binanggit ni Domagoso na ang Ordinansa Blg. 7977 ay ginawa bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mga guro na naglingkod sa pampublikong paaralan ng Maynila.
“Ito po ay isang ordinansa na nagbibigay ng konting tulong, pagkilala, at pagpapahalaga sa mga guro nating naglingkod sa Lungsod ng Maynila, sa ating mga paaralan.”, saad ng alkade.
Sa kanyang talumpati sa mga opisyal ng Manila Retired Teachers Association sa flag-raising ceremony sa City Hall, nagpasalamat ang Alkalde sa mga guro, na aniya’y humubog sa mga propesyonal sa iba’t ibang larangan, kabilang na ang mga naging lider sa kani-kanilang industriya.
“I’m pretty sure, and I’m sure about this, marami kayong na-produce na doktor, engineer, lawyer. Pati IT,” sabi ni Mayor Isko . (Jocelyn Domenden)