Advertisers
NANAWAGAN ang Malacañang sa mga tagasuporta nina Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Go na panatilihin ang kaayusan at huwag hayaang mauwi sa kaguluhan ang sitwasyon sakaling maglabas ng warrant of arrest laban sa dalawang mambabatas, kung ito ay bahagi ng legal na proseso ng korte.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, ang pagsunod sa proseso ng batas ay nagbibigay ng patas na pagkakataon sa magkabilang panig upang maipahayag at maipagtanggol ang kanilang posisyon.
Aniya, mas mainam na hayaan ang sistema ng hustisya na umandar kaysa pairalin ang emosyon.
Ginawa ni Castro ang pahayag matapos mabunyag na kasama umano sina dela Rosa at Go sa listahan ng International Criminal Court bilang co-perpetrators kaugnay sa imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Dagdag pa ni Castro, sa panig ng mga biktima ng EJK o extrajudicial killings, ang legal na hakbang ay maaaring magsilbing daan tungo sa hustisya.
Sa kabilang banda, ayon kay Castro, nagbibigay din ito ng pagkakataon sa mga inaakusahan upang maipaliwanag ang kanilang panig at patunayang wala silang pananagutan. (Gilbert Perdez)