Advertisers
Ni Rommel Gonzales
Ang businesswoman/ host na si Cristina Decena lamang ang kilala namin na sa ginanap na Christmas party ng kanyang kumpanya ay namigay ng mga lote!
Oo, kung ang iba ay namimigay ng appliances o groceries tuwing Christmas party, iba si Cristina dahil lupa na puwedeng pagtayuan ng bahay ang ipinamigay niya sa mga mapapalad na empleyado niya na loyal at naglilingkod na sa kanya sa maraming taon.
Hindi lamang mga empleyado dahil tumanggap rin ng titulo ng lupa ang mga miyembro ng media na malapit kay Cristina.
Hindi nga napigilang maluha ng bawat isa habang iniaabot sa kanila ni Crsitina ang katibayan ng pagmamay-ari nila ng lupa na tila guma-graduate sila sa eskuwelahan at inaabutan ng diploma.
Hindi lamang iyan, pinag-aaral rin niya ang mga anak at apo ng mga deserving niyang tauhan.
“Kasi iniisip ko binigyan ako ng Panginoong Diyos ng lahat ng ito, di ba? Wala kaming pera noon nakapagtapos ako ng pag-aaral, nag-graduate ako ng cum laude, naging government scholar ako, financial aid, bukod sa government scholar ako binibigyan ako ng suweldo kasi sumusulat ako sa diyaryo, naging literary editor ako ng ‘The New Businessman’ sa PUP,” lahad ni Cristina.
“Ang daming binigay sa akin na gantimpala. Humingi ako ng isang bahay napakaraming bahay ang ibinigay sa akin, sabi ko, ‘Tama na po, okay na po ako, Lord! Ang gusto ko na lang po, sana kung anuman ang meron ako maibalik ko sa tao.’
“Lahat ng pinagdasal ko sa Panginoon ibinigay sa akin kaya gusto kong maibalik sa tao.”
At isa lamang ang hiling ni Cristina tuwing nagdadasal siya.
“Sana bigyan pa ako ng mahaba pang energy, medyo mahaba pang panahon, para mas marami akong taong matulungan, mas maraming pamilya akong mapakain, mas marami akong batang mapag-aral.
“Iyon lang ang wish ko, good health, long life.”
Kaya naman hindi katakataka kung bakit patuloy ang pagdagsa ng mga biyaya kay Cristina dahil marunong siyang mag-share ng blessing sa iba, lalo na sa mga nangangailangan na walang hinihintay na kapalit kundi pagmamahal at loyalty
Bukod rito, kahit isa na siyang multi-millionaire (o billionaire?) may nakatutuwang wish si Cristina na ikinuwento sa amin nitong nakatsikahan namin siya kamakailan, at ito ay ang sumakay sa MRT!
“Gusto kong makita yung mga sumasakay dun, yung iba-ibang antas ng pamumuhay nila, kasi ang sumasakay dun merong may pera, merong wala, gustong makarating agad sa pupuntahan nila at huwag matrapik,” sinabi pa ni Cristina.