Advertisers

Advertisers

QC, BDO Foundation nagsagawa ng seminar para sa 200 nano-entrepreneur

0 64

Advertisers

Nakipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa BDO Foundation upang magsagawa ng isang araw na seminar na pinamagatang “Ayusin ang Pera, Palaguin ang Negosyo” para sa 200 nano-entrepreneur ng lungsod.
Idinaos kamakailan sa Amoranto Sports Complex ng QC, nagbigay ang seminar ng kaalaman sa pananalapi at pamamahala sa mga kalahok, at layuning hubugin ang tamang kaisipan at saloobin na kinakailangan upang mapamahalaan at mapalago ang isang negosyo.
Nagbahagi si Chinkee Tan, may-akda at motivational speaker, ng mga pananaw tungkol sa pamamahala ng utang at kung paano malalampasan ang mga hamong pinansyal. Pinabulaanan din niya ang ilang maling paniniwala tungkol sa negosyo, lalo na ang may kinalaman sa laki at uri ng nano-entrepreneur.
Iba ang nano-entrepreneurship sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs). Ayon sa depinisyon ng DTI, ang MSMEs ay may kapital na mula P3 milyon hanggang P100 milyon.
Malayo ito sa kapital ng mga nano-entrepreneur, na kadalasan ay ilang libong piso lamang ang puhunan. Kabilang sa kategoryang ito ang mga may-ari ng sari-sari store, tagapag-ayos ng bahay, may-ari ng food stall, mga naglalako, at maging ang mga hair stylist sa komunidad.
Para sa ganitong uri ng mga negosyante isinagawa ng BDO Foundation, ang corporate social responsibility arm ng pinakamalaking bangko sa bansa, at ng lokal na pamahalaan ng QC ang nasabing seminar.
Ayon kay Mona Celine Marie Yap ng Quezon City Small Business Cooperatives Development and Promotions Office, magsasagawa pa ang lokal na pamahalaan, katuwang ang BDO Foundation at iba pang pribadong grupo, ng mga kahalintulad na pagsasanay sa hinaharap.
Hinimok din ni Yap ang mga kalahok na hikayatin ang kapwa nila nano-entrepreneur na sumali sa Nano-Enterprise Registration Program ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon.
“Walang bayad,” aniya, “at hindi ito para mangalap ng ebidensya para sa pagbubuwis. Ang mga nano-entrepreneur ay hindi saklaw ng lokal na buwis.”
Samantala, hinikayat ni Mario Deriquito, pangulo ng BDO Foundation, ang mga nagbabalak magsimula o kasalukuyang nagpapatakbo ng nano-entrepreneurship na pag-aralan ang mga batayan ng negosyo.
“Ang kaalamang ito ang magbibigay kakayahan sa mga may-ari ng negosyo na makagawa ng tamang desisyon at makabuo ng mga plano para sa pagpapalawak,” aniya.
Dumalo rin si Konsehal Charm Ferrer ng Unang Distrito ng Quezon City at Tagapangulo ng Committee on Micro, Small, and Medium Business Entrepreneurship Development upang maghatid ng mensahe ng suporta.(Boy Celario)