Advertisers
HINILING ng tatlong abogado, sa pangunguna ni Eldrige Marvin Aceron, sa Supreme Court na utusan ang Senate Blue Ribbon Committee na ilabas ang draft partial committee report nito kaugnay ng kontrobersyal na imbestigasyon sa mga proyektong flood control.
Kasama ang mga kapwa abogado na sina Sikini Labastilla at Purificacion Bartolome-Bernabe, naghain si Aceron ng Petition for Mandamus and Certiorari sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa pagtanggi ng Blue Ribbon Committee na pagbigyan ang kanilang hiling na kopya ng naturang partial committee report.
Sa liham na may petsang Pebrero 23, 2026, tinanggihan ng Blue Ribbon Committee ang kahilingan ng mga petitioner para sa opisyal na kopya ng dokumento, at iginiit ang “deliberative process privilege” upang maiwasan ang “chilling effect ukol sa malayang talakayan sa loob ng mga sangay ng pamahalaan.
Gayunman, iginiit ng mga petitioner na hindi na maaaring gamitin ang naturang pribilehiyo matapos na paulit-ulit na isiwalat ni Blue Ribbon Chairman Panfilo Lacson sa publiko ang nilalaman ng ulat sa loob ng tatlong linggo.
Sa mga opisyal na pahayag at panayam sa media, kinumpirma ni Lacson na inirekomenda sa draft report ang pagsasampa ng kasong plunder at iba pang reklamo laban sa mga pinangalanang kasalukuyang senador, at ito ay nakabatay sa testimonial at dokumentaryong ebidensiya na nakalap sa mga pagdinig.
Kinumpirma rin ni Lacson na ang draft report ay sumasailalim sa pag-aayos ng wika habang pinananatili ang pangunahing natuklasan nito. Mahalaga ring banggitin na nalagdaan na ang ulat nina Senators Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, at Sherwin Gatchalian — na kalaunan ay binawi ang kanilang mga lagda nang walang anumang nakasulat na paliwanag.
“Chairman Lacson is the institutional holder of the deliberative process privilege he now invokes against petitioners. He is not a rogue subordinate acting without authority. He is the chairman — the very person empowered to decide what the committee discloses and what it withholds. When the privilege-holder chooses to publicly disclose the substance of the privileged material, the privilege is surrendered, not stolen,” ayon sa petisyon.
Kinuwestiyon din ng mga petitioner ang legal na batayan ng pagtanggi ng Blue Ribbon Committee, at itinuro na ang lahat ng kasong binanggit ng Senate Legal Counsel upang bigyang-katwiran ang hindi paglalabas ng ulat — kabilang ang Chavez v. Public Estates Authority, Akbayan v. Aquino, at Neri v. Senate Committee — ay nagmula sa mga pag-angkin ng executive branch ng pribilehiyo, at hindi ng lehislatura.
Wala ni isa sa mga kasong ito ang tumalakay sa paggamit ng lehislatura ng pribilehiyo laban sa mamamayan hinggil sa mga natuklasan ng isang natapos na pampublikong imbestigasyon.
Binigyang-diin pa ng mga petitioner na ginagarantiyahan ng 1987 Constitution ang karapatan ng taumbayan sa impormasyon hinggil sa mga usaping may kinalaman sa pampublikong interes.