Advertisers

Advertisers

HOUSE BILL NO. 8059 ITINUTULAK NI CONG PANALIGAN

0 40

Advertisers

Isinusulong ni Oriental Mindoro 1st District Representative Arnan C. Panaligan ang House Bill No. 8059, na naglalayong pabilisin ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kakayahan ng gobyerno na kumuha ng mga pautang mula sa ibang bansa.

Layunin ng panukalang batas na solusyunan ang kakulangan sa pondo na nagpapabagal sa matagal nang AFP Modernization Program.

Ang naturang batas ay nagbigay kapangyarihan sa Pangulo ng Pilipinas na kumuha ng long-term foreign loans na aabot sa US$1 billion.

Aamyendahan nito ang Presidential Decree No. 425 (enacted in 1974), na kasalukuyang naglilimita lamang sa US$300 million ang foreign loan financing para sa depensa.

Sa ilalim ng batas, ay ilalapat sa bawat solong defense acquisition project. Ibig sabihin, maaaring kumuha ang Pangulo ng hiwalay na pautang para sa magkakaibang proyekto ng modernisasyon.

Ang hakbang na ito ay tugon sa pangangailangan ng bansa na palakasin ang depensa, lalo na ang kakayahan ng Navy at Air Force sa ilalim ng Horizon 3 ng AFP Modernization.

Sa panahong ang soberanya ng Pilipinas ay hayagang hinahamon at ang seguridad ng rehiyon ay nagiging mas hindi tiyak, hindi sapat ang pananatili sa lumang polisiya at limitasyon.

Ang House Bill No. 8059 ni Panaligan ay malinaw na hakbang at napapanahon upang seryosohin ang pambansang depensa at tiyakin ang proteksyon ng mamamayan at likas na yaman.

May mga nagsasabing ito ay simpleng pagtaas lamang ng loan ceiling—isang utang na magpapabigat umano sa bayan. Ngunit ito ay mababaw na pananaw. Ang panukalang batas na ito ay hindi basta pag-utang. Ito ay isang estratehikong pamumuhunan para sa seguridad, katatagan, at kinabukasan ng bansa.

Ang makabagong depensa ay mahal, at ang lumang limitasyon na US$300 milyon ay hindi na sapat para sa mga modernong kagamitan tulad ng fighter jets, radar systems, naval vessels, at missile defense.

Ang kakulangan sa depensa ay hindi lamang banta militar, kundi banta rin sa ating ekonomiya at kapaligiran.

Walang investor ang magkakaroon ng kumpiyansa sa isang bansa na hindi kayang protektahan ang sarili nitong teritoryo, likas na yaman, at karagatan.

Mahalagang tandaan na ang House Bill No. 8059 ni Panaligan ay hindi makakaapekto sa budget ng social services.

Ang panukalang batas ay nakatuon lamang sa pagkuha ng foreign loans para sa depensa, na hiwalay sa General Appropriations Act para sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan.

Sa madaling salita, hindi mababawasan ang pondo para sa mga mahahalagang serbisyo ng gobyerno.

Bakit kailangan ito ng bansa? Ang matatag na depensa ay garantiya ng proteksyon sa ating likas na yaman tulad ng mga kagubatan, karagatan, mineral, at iba pang yamang pangkalikasan na bumubuo sa ating ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan. Kung mahina ang depensa, mas madali tayong maapektuhan ng illegal fishing, panliligalig sa teritoryo, at mga banta sa national resources.

Sa panahon ngayon, ang limitadong pondo ay parang pagharap sa bagyo na walang payong. Hindi ito pagiging maingat—ito ay pagiging pabaya.

Ang pagtaas ng foreign loan ceiling hanggang US$1 bilyon kada proyekto ay nagbibigay sa bansa ng kakayahang makipagsabayan sa teknolohiya at modernisasyon ng depensa, nang hindi sinasakripisyo ang social services o pangangalaga sa mamamayan.

Hindi ito luho at lalong hindi ito militarisasyon para sa agresyon. Ito ay pagtatanggol sa soberanya, proteksyon sa mamamayan, at pagtiyak na ang susunod na henerasyon ay magmamana ng bansang may kakayahang tumayo sa sarili nitong paa.

Sa huli, ang tunay na tanong ay hindi “Magkano ang uutangin kundi magkano ang mawawala kung mananatiling mahina ang bansa”?”

Ang House Bill No. 8059 na itinutulak ni Panaligan ay malinaw na pamumuhunan sa seguridad, ekonomiya, at likas na yaman—isang obligasyon na dapat tuparin ng estado para malaman ng mamamayan.

Marapat lang na suportahan ang panukalang ito ni Cong Panaligan dahil ang karagatan natin sa West Philippine Sea (WPS) ay tinataya na may malaking deposit ng langis at natural gas. Hindj natin mapakinabangan at ma- explore dahil kulang ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard para bantayan ang drill ng langis sa dagat natin. Pero kung gagastusan ang Navy at PCG para makabili ng mga barko, mababantayan nila ang pag drill ng langis. Dahil mas malaki ang kikitain ng pilipinas at matitipid sa langis at sa maikling panahon ay mababawi agad at mabubura ang inutang natin para sa AFP. Mismo!

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya ma g email balyador69@gmail.com