Advertisers
NAGSUMITE na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng sertipikasyon para sa agarang pagpasa ng House Bill No. 8418 na naglalayong pahintulutan ang Pangulo na suspindehin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa panahon ng national o global crisis sa ekonomiya.
Sa liham na ipinadala sa House of Representatives, sinabi ni Exec. Secretary Ralph Recto na ang panukalang batas ay ‘certified’ na ng Pangulo ‘as urgent’ upang agad na matugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ipinadala ang sertipikasyon kay House Speaker Bojie Dy upang mapabilis ang deliberasyon at pagpasa ng panukala sa Kongreso alinsunod sa probisyon ng Article VI, Section 26(2) ng 1987 Constitution.
Layunin ng House Bill No. 8418 na bigyan ang Pangulo ng kapangyarihan na pansamantalang bawasan o suspindehin ang excise tax sa petrolyo kapag may matinding economic emergency na maaaring makaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)