Advertisers
KINASUHAN ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal dahil sa sistematikong pagpapalabas ng pekeng birth certificate sa mga dayuhang Chinese sa North Cotabato.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI-Central Mindanao Regional Office katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA), natukoy ang mga iregularidad sa Local Civil Registry Offices ng Pikit at Aleosan.
Ayon sa NBI, sangkot sa sabwatan ang mga civil registrar, kanilang mga tauhan, at isang retiradong opisyal na nagsilbing facilitator upang mapabilis ang proseso ng late registration gamit ang pekeng dokumento.
“These individuals allegedly bypassed legal protocols to process the late registration of Certificates of Live Birth (COLB) using falsified and fabricated supporting documents,” saad sa pahayag.
Dagdag pa ng NBI, pangunahing nakinabang sa modus ang mga dayuhan, partikular ang mga Chinese national, na gumamit ng mga pekeng identidad upang makakuha ng Filipino civil status at posibleng mamamayan.
“Evidence gathered by the NBI-CEMRO indicates that foreign nationals, primarily of Chinese origin, were the primary beneficiaries of this scheme. By using fictitious identities, these individuals obtained Filipino civil status, effectively exploiting the system to gain Filipino citizenship under false pretenses,” dagdag pa sa pahayag.
Iniulat din ng PSA na mahigit 50,000 birth records sa higit 1,600 registry offices sa buong bansa ang posibleng may anomalya, kungsaan kabilang ang Pikit at Aleosan sa tinukoy na high-risk areas.
Inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng mga kaso sa ilalim ng Republic Act 3753, Republic Act 3019, at Republic Act 6713, bukod pa sa falsification of public documents at perjury sa ilalim ng Revised Penal Code.