Advertisers
Inaresto ang 33-anyos negosyante nang mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng P307,088.00, gayundin ng mga bala, sa isinagawang operasyon sa Purok 3, Barangay Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon sa awtoridad, isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Search Warrant Blg. 04-26C na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 30 sa Bayombong, Nueva Vizcaya..
Pinangunahan mismo ang operasyon ng mga tauhan ng Bambang Police Station, katuwang ang iba’t ibang yunit ng Philippine National Police.
Batay sa ulat ng kapulisan, nakumpiska mula sa suspek ang labing-isang (11) piraso ng transparent na plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, na may kabuuang timbang na 45.16 gramo at tinatayang halaga na P307,088.00.
Maliban dito, narekober din ang tatlumpu’t isang (31) piraso ng plastic sachet na may residue ng hinihinalang shabu, gayundin ang iba’t ibang paraphernalia na ginagamit sa paggamit at distribusyon ng ilegal na droga.
Narekober din sa operasyon ang dalawang (2) piraso ng bala para sa caliber .22 at labing-isang (11) piraso ng bala para sa caliber .45.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 at Republic Act No. 10591. (Fidel Coloma)