Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Noon pa man ay pangarap na ni Ivana Alawi na makatrabaho ang magaling na aktor na si Joshua Garcia sa isang proyekto.
Katunayan,nabanggit niya ang bagay na ito sa kanyang vlog.
Nang may i-offer naman sa YouTuber na serye na kukunan sa ibang bansa, hindi na raw siya nagdalawang-isip pa.
Aniya, matagal na rin daw kasi niyang bet gumawa ng TV series na ang setting ay sa ibang bansa.
Mas nadoble pa ang excitement niya nang malamang si Joshua ang makakapareha niya.
Dream come true raw ito kaya masasabing sulit ang kanyang pagbabalik.
Sa ginanap namang celebrity screening ng first episodes ng serye at mediacon, naging usap-usapan ang kanilang maiinit na eksena.
Sa love at bed scene nila ni Joshua, nakipagsabayan sa marubdob na halikan si Ivana.
Masasabi ring palaban ang aktres hindi lang sa aktingan kundi sa laplapan.
Naurot naman si Ivana hinggil sa love scene nila ni Joshua sa mediacon.
Aniya, grabe raw manghigop si Joshua.
Perfect 10 ang rate niya sa kamandag ng halik ni Joshua.
9 naman ang rate ng aktor sa sexy actress dahil kailangan pa raw nitong mag-improve.
Paliwanag naman ni Ivana, hindi raw kasi niya ibinuka ang bibig niya.
Gayunpaman sa mga susunod na love scenes daw ay gagalingan pa niya ang halikan.
Samantala ang “Love is Never Gone” ay magsisimula nang mapanood sa Prime video simula sa Mayo 8.
Sa nasabing serye, susugal na sina Joshua at Ivana sa mapangahas na pag-ibig para sa kanilang unang tambalan sa inaabangang romance-suspense TV series ng ABS-CBN na “Love is Never Gone,” ang unang Filipino series na kinunan sa Morocco.
Mapupusok na halikan at makapigil-hiningang mga eksena ang handog nina Joshua at Ivana sa serye tampok ang magagandang tanawin ng Morocco.
Gaganap si Joshua bilang si Teo, isang mekaniko at breadwinner na lumipad sa Morocco para maging OFW. Magugulo ang buhay ni Teo nang komprontahin niya si Yana (Ivana), isang miyembro ng ilegal na grupo, matapos nitong nakawin ang kanyang wallet na ginawa lamang nito upang matustusan ang pagpapagamot sa kanyang inang may sakit.
Mauuwi sa isang delikadong pag-iibigan ang kanilang pagtatagpo sa pag-aakala ni Teo na pinagtaksilan siya ni Yana kaya siya nakulong. Makalipas ang ilang taon at sa pag-uwi ni Teo sa Maynila, muli niyang makikita si Yana pero ibang katauhan na ang gamit nito.
Sa pagpasok nila sa isang mundong puno ng krimen at paghihiganti, matutuklasan ni Teo ang isang mabigat na sakripisyo na nilihim ni Yana na muling susubok sa kanilang pag-iibigan sa kabila ng matinding pagtataksil.
Tampok sa “Love is Never Gone” sina Jameson Blake, Jane Oineza, Michael De Mesa, Epy Quizon, at Dina Bonnevie, kasama sina Fyang Smith, JM Ibarra, JC Alcantara, Rans Rifol, Kiko Matos, Argel Saycon, Heart Ramos, Alex Medina, Benj Manalo, Carlo San Juan, at may special participation nina Ara Mina at Irma Adlawan.
Mula ito sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin, at sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment na nasa likod ng ilang mga hit series ng ABS-CBN tulad ng “Linlang,” “Saving Grace,” “Dirty Linen,” at “The Alibi.”
Huwag palampasin ang matitinding tagpo sa ngalan ng pag-ibig sa “Love is Never Gone,” na eksklusibong mapapanood sa Prime Video simula Mayo 8. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o bisitahin ang corporate.abs-cbn.com/newsroom.