Advertisers

Advertisers

PBBM FUND SA MAYNILA, DIRETSO SA TAO

0 20

Advertisers

Ipinagkaloob ng Office of the President ang share ng Lungsod ng Maynila mula sa BBM Socio-Civic Projects Fund kay Mayor Isko Moreno sa isang pulong sa Manila City Hall nitong Miyerkules, Mayo 6.

Isang kinatawan mula sa Office of the Executive Secretary ang pormal na nag-abot ng tseke sa alkalde.



Malugod na tinanggap ni Domagoso ang pondo at nangakong agad itong ipatutupad. “Sisiguraduhin naming maipatupad ito sa lalong madaling panahon ayon sa nais ng Pangulo, at matitiyak na ang tamang mga tao ang makikinabang sa tulong ng ating mga barangay,” aniya.

Ipinahayag din ng alkalde ang pasasalamat sa pambansang pamahalaan sa ngalan ng mga Manileño. “Pakiparating ang aming pasasalamat sa ngalan ng mga taga-Maynila. Malaking bagay ito. Lalo na ngayon na sana ay tuluyan nang humupa ang sitwasyon sa Middle East,” dagdag ni Domagoso.



Sa ilalim ng programa na iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bawat isa sa 42,010 barangay sa buong bansa ay makatatanggap ng tig-P200,000 mula sa Socio-Civic Projects Fund ng Office of the President. Ang 896 barangay sa Maynila ay magkakabuuang P179.2 milyon.

Hahatiin sa dalawang bahagi ang alokasyon ng bawat barangay: P100,000 para sa Bagong Pilipinas Barangay Scholars program, na magbibigay ng tig-P20,000 na tulong-edukasyon sa limang papasok na ika-apat na taong kolehiyo na nanganganib mag-dropout; at isa pang P100,000 para sa mga prayoridad na proyekto ng barangay tulad ng patrol vehicles, solar street lights, generator, at flood water pumps.



Dapat residente ng barangay ang mga scholar at mula sa mahihinang sektor, na bibigyan ng prayoridad ang mga pamilyang wala pang nakapagtapos ng kolehiyo. Kung walang kwalipikadong fourth-year students, maaaring isaalang-alang ang third-year students, TESDA scholars na may national certificate, o mga estudyanteng nasa ika-lima o ika-anim na taon na magtatapos sa school year 2026–2027.

Para sa development component, maaaring pumili ang barangay mula sa listahan ng mga aprubadong proyekto sa larangan ng public service, administrasyon, streetlighting, at disaster risk reduction and management. Hindi maaaring gamitin ang pondo sa pagpapatayo ng imprastruktura o sa pagbabayad ng honoraria at sahod.

Direktang ipapadala ang pondo sa mga barangay sa oras na maisagawa ang Deed of Donation sa pagitan ng Office of the President at ng bawat barangay, kung saan ang punong barangay ang kikilalaning awtorisadong tatanggap.

Kinakailangan ding magsumite ang mga barangay ng liquidation documents sa kanilang supervising auditor mula sa Commission on Audit, pati na ng Fund Utilization Report sa Office of the President.(BP)