Advertisers
Ni Rommel Gonzales
Ang karakter na minahal sa pelikula at nag-trending sa social media ay magbabalik, at ngayon, may sarili na siyang pelikula! Mula sa Ang Babaeng Walang Pakiramdam, muling gaganap bilang si Ngongo si Jerald Napoles sa Love, Ngo, na mapapanood sa mga sinehan ngayong June 3, 2026.
Sa pagbabalik-pelikula ng direktor na si Darryl Yap, muling mabibigyang-buhay ang karakter na nagpatawa, nagpangiti, at umagaw ng atensyon ng mga manonood.
Bukod kay Tasha, ang superwoman na walang emosyon, nakilala rin sa isa sa mga top-streamed films na Ang Babaeng Walang Pakiramdam ang funny man, maaasahan at laging reliable na si Ngongo. Hindi lang sa pelikula nagpasaya si Ngongo—ang kanyang “Mork and Mean” na eksena ay nag-trending online at umabot sa mahigit 125 million views.
Ngayong Hunyo, alamin natin kung ano nga ba ang buhay ni Ngongo bago sila nagtagpo ni Tasha!
Si Ngongo ay isang masipag, maabilidad, at madiskarteng binata na tumutulong sa burger stand ng kanyang Mother Queen. Naiiba man siya dahil sa kanyang kondisyon, mayaman naman siya sa pagmamahal mula sa kanyang mga tapat na kaibigan na kapareho rin niya ng kapansanan.
Ibinubuhos ni Ngongo ang kanyang libreng oras bilang volunteer sa The Cleft Lip and Palate Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga may bingot at ngongo. Dito niya makikilala si Scarlet, ang kanyang first love. Liligawan ni Ngongo si Scarlet, ngunit tutol ang pamilya ng dalaga dahil sa estado ng buhay at kondisyon niya. Dito masusubok ang kanyang katatagan, dahil hahamakin niya ang lahat para kay Scarlet, kahit pa ikapahamak niya ito.
At sa kanyang pagpupursiging makuha ang pag-ibig ng babaeng pinakamamahal, unti-unti niyang makakalimutan na may pamilya at mga kaibigan ding nagmamahal sa kanya nang tapat at walang pag-aalinlangan.
Samahan si Ngongo sa kanyang journey para matagpuan ang tunay na pag-ibig at pagmamahal sa sarili.
Mula sa direksyon ni Darryl Yap, makakasama ni Jerald Napoles sa pelikula ang mga kilalang influencers na sina Malupiton at Jack Argota, na magdadagdag ng kuwela at saya para sa mga manonood.
Sama-sama tayong magtawanan sa mga sinehan – Love, Ngo, in cinemas this June 3, 2026!