Advertisers

Advertisers

Andrew E, gagawaran ng Lifetime Achievement Award sa 17th PMPC Star Awards for Music

0 10

Advertisers

Ni Anne Venancio

Ang tinaguriang “King of Pinoy Rap” na si Andrew E ang gagawaran ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award sa gaganaping 17th Star Awards for Music sa Hunyo 25, 2026 sa Teatrino kung saan kinilala ng pamunuan ng PMPC Star Awards Inc., ang kanyang malaking ambag sa Original Pilipino Music (OPM).

“Maraming salamat po sa PMPC Star Awards Inc. sa Pilita Corrales Lifetime Achievement Award.

Isang malaking karangalan at tagumpay para sa akin ang pagkilalang ito sa mahabang taon sa industriya ng OPM. Hindi ko inakala na ang simpleng pagsisimula ko sa rap music ay hahantong sa ganitong klaseng achievement. Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta sa akin mula noon hanggang ngayon—sa aking pamilya, fans, composer, producer, at mga kasamahan sa industriya. Ang parangal na ito ay hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat ng naging bahagi ng aking musical journey.”

Dagdag pa nito sa kanyang Facebook account, ‘So deeply honored to be appreciated by both the movie press and social press alike. I bow with utmost gratitude and recognition for all these things that keep me going and striving to achieve more in the rap music scene… ??I truly appreciate all of this.”

Matatandaang sumikat si Andrew E noong 1990 matapos ilabas ang hit song na Humanap Ka ng Panget, na naging daan upang mas makilala ang rap music sa mainstream Filipino audience.

Nasundan pa ito ng mga hit song na Wag Kang Gamol, Alabang Girls, Banyo Queen, Manchirichit, at Ikaw Ang Miss Universe Ng Buhay Ko, na naging bahagi ng pop culture ng Pilipinas noong dekada ’90.

Nakilala rin si Andrew E. sa kanyang natatanging istilo ng rap na may halong humor at catchy hooks, kaya tinagurian siyang “King of Tagalog Rap.”

Lumawak pa ang kanyang karera nang pasukin niya ang pelikula, kung saan marami sa kanyang mga kanta ang ginawang inspirasyon ng comedy films. Dahil dito, umabot sa mahigit 35 pelikula ang kanyang nagawa bilang aktor at naging isa sa mga haligi ng “song-to-movie” trend sa Philippine cinema.

Noong 1997, itinatag niya ang Dongalo Wreckords, isa sa mga unang independent rap labels sa bansa, na nagbigay-daan sa mga bagong artist at hip-hop groups tulad ng Salbakuta.

Sa mahigit tatlong dekada sa industriya, nananatiling aktibo si Andrew E. at patuloy na kinikilala sa kanyang mga ambag, kabilang ang Rap Album of the Year para sa Clubzilla.

Bukod kay Andrew E., pararangalan din si Celeste Legaspi ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award sa 17th Star Awards for Music bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa musika.

Si Mon del Rosario naman ay tatanggap ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award para sa kanyang ambag sa industriya ng musika sa Pilipinas.