Advertisers
AGAD nasawi ang isang radio reporter na barangay official nang pagbabarilin sa Barangay Fort Pikit, Malidegao sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato, gabi ng Huwebes, May 21.
Tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ni Nestor Micator, reporter ng Empire Radio sa Barangay Fort Pikit.
Dead on arrival si Micator sa pagamutan sa bayan.
Ang Malidegao ay isa sa walong bagong tatag na bayan sa Bangsamoro Special Geographic Area na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Cotabato.
Sa ulat nitong Biyernes ng local executives at ni Captain Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkaangkas sa motorsiklo sina Micator at ang kanyang kabiyak na si Ruvy nang tambangan hindi kalayuan sa barangay hall ng Fort Pikit.
Kaagad nasawi si Micator, habang masuwerteng nakaligtas sa pamamaril ang kanyang misis, nagtamo lang ng mga galos at pasa sa katawan sanhi ng pag-crash ng kanilang motorsiklo nang nawalan na ng control ang mister nang tamaan ng bala ng .45 caliber pistol sa ulo.
Ayon kina Salanguit at mga opisyal ng Malidegao Municipal Police Station, mabilis na nakatakas ang mga salarin gamit ang mga motorsiklo.