Advertisers
PLANO umano ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na hilingin sa Senado na dagdagan ang budget ng ahensiya upang makapag-recruit sila ng marami pang ahente.
Sa kanyang pagdalo sa news forum ng Manila City Hall Reporters’ Assocation (MACHRA) na ‘MACHRA Balitaan,” sinabi ni Matibag na sa kasalukuyan ay may 2,000 lamang ang empleyado ng NBI at sa bilang na ‘yan, wala pang 400 ang agents na nagta-trabaho ng 24 oras at sa buong Pilipinas.
“Magpapatulong sana kami sa Senado na madagdagan ang budget ng NBI para makapag-recruit naman kami ng mas maraming ahente,” ani Matibag, na nagsabing sa dami ng trabaho ng NBI ay kailangan nito ng 1,000 ahente man lamang bukod pa sa mga empleyado at support teams.
Napag-alaman na si Mel Oragon, ang NBI volunteer na dinakip sa insidente sa Senado, ay isa lamang ka-‘buddy’ ng isang agent na siyang nagbibigay ng allowance nito.
“Volunteer force multiplier siya. Allowed kasi ang agent na me ka-buddy. Me mga tao kasi na gusto ng action, sama sila,” aniya.
Nauna rito ay sinabi ni Matibag na hindi armado si Oragon nang dakpin nang walang kaakibat na warrant at aniya, napagsuspetsahan lang siya.”
Sa ulat na nagpositibo ito sa gunpowder, sinabi ni Matibag na maraming paraan upang mag-positive kahit di pumutok ng baril.
“In the chain of custody, dapat makuha mo ang baril tapos ipa-paraffin mo siya. Dun mo makikita ang possibility na nagpaputok ng baril… ‘yun ang initial na iisipin, but pwede ka din makakuha ng nitrates through other means, halimbawa, ang humawak sa ‘yo ay meron sa kamay, nalipat sa ‘yo sa katawan mo ang gunpowder,”aniya.
Mula sa GSIS, dinala umano si Oragon sa second floor at doon, “idinapa siya kung saan nagpaputok nang nagpaputok ang OSAA… may video…so that is a possibility.. a reasonable one dahil wala siyang hawak na baril.”
Batay sa CCTV, si Oragon ay nakita umanong nasa fifth floor habang may mga putok at wala itong armas hanggang sa siya ay kunin ng OSAA. (JERRY S. TAN)