Advertisers

Advertisers

UCCP Bishops sa Senado: ‘PANAGUTIN SI VP SARA, PAIRALIN ANG HUSTISYA!’

0 5

Advertisers

NANAWAGAN ang Council of Bishops ng United Church of Christ in the Philippines o United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Senado na pairalin ang katotohanan, hustisya, at pananagutan sa pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa kanilang pahayag na pinamagatang “Stand Firm for Truth, Justice, and Accountability”, sinabi ng UCCP Council of Bishops na dapat gampanan ng Senado ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon nang may integridad, pagiging patas, at lakas ng loob sa moralidad.

Ayon sa mga obispo, hindi dapat manaig ang partidong pulitikal o personal na alyansa sa pagdinig ng impeachment case dahil nakasalalay dito ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno at ang proteksiyon sa mga demokratikong institusyon.

Binanggit ng UCCP na ang reklamong impeachment laban kay Duterte ay may kaugnayan sa pagtataksil sa tiwala ng publiko, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, panunuhol, at iba pang mabibigat na krimen.

“May mabigat na tungkulin ang Senado hindi lamang sa sambayanang Pilipino kundi maging sa kasaysayan,” ayon sa pahayag ng konseho ng mga obispo.

Kabilang sa lumagda sa pahayag sina Bishop Melzar D. Labuntog, Bishop Joseph G. Agpaoa, Bishop Marino I. Inong, Bishop Francisco S. Aviso Jr., Bishop Victor L. Paller, Bishop Jerby S. Salor, Bishop Feliciana P. Tenchavez, Bishop Ligaya F. San Francisco, at Bishop Modesto Villasanta, kasama rin ang ilang bishop emeritus ng simbahan.

Iginiit ng mga obispo na hindi simpleng labanang pulitikal ang impeachment kundi isang mekanismo ng Konstitusyon upang mapanatili ang pananagutan sa gobyerno at maiwasan ang pag-abuso sa kapangyarihan.

Dagdag pa nila, ang kapangyarihan sa pamahalaan dapat gamitin nang may kababaang-loob, integridad, at pananagutan lalo na para sa mahihirap at mga nasa laylayan ng lipunan.

Sinabi rin ng UCCP na ang mga constitutional process gaya ng impeachment at mga lehitimong international legal mechanisms ay mahalagang instrumento para sa katotohanan at hustisya, at hindi lamang “political theater”.

Nanawagan din sila sa mga senador na labanan ang political pressure, padrino system, at personal na katapatan na sumisira sa tiwala ng publiko at rule of law.

Binigyang-diin din ng mga obispo na hindi dapat maging “selective” ang pananagutan sa hustisya. Muli nilang iginiit ang panawagan para sa pananagutan kaugnay ng libo-libong nasawi sa anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Kasabay nito, hinimok din nila si Senador Ronald dela Rosa na harapin ang lahat ng imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang mga prosesong isinusulong ng International Criminal Court.

Ayon sa UCCP, walang opisyal ng gobyerno, gaano man kataas ang posisyon o impluwensiya, ang dapat mangibabaw sa batas.

Hinimok din ng konseho ang mga miyembro ng UCCP, mga lokal na simbahan, church workers, at faith communities na pairalin ang mapanuring pag-iisip, pananalangin, at moral na katapangan sa gitna ng umiiral na pagkakahati-hati sa lipunan.

“In these divisive times, Christian witness demands not silence, but prophetic faithfulness,” diin ng mga obispo.