Advertisers
NAGPAHAYAG ng pagdududa ang Malacañang sa panukalang payagan ang online voting sa Senado matapos ang naging tensyon sa pagitan ng majority at minority bloc na nauwi sa walkout ng ilang senador.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, lumalabas na nais lamang baguhin ang umiiral na rules sa Senado upang mapayagan ang online voting kahit wala namang kalamidad o force majeure na dahilan para gawin ito.
Sa press briefing sa Tokyo, Japan, binanggit din ni Castro ang naging pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na naging “justifiable” umano noon ang hindi pagpasok ni Sen. Ronald dela Rosa dahil sa usapin ng seguridad at posibilidad na maaresto.
Ayon kay Castro, posibleng magamit ang online voting upang makaiwas sa pagharap sa mga kaso o pag-aresto, lalo na kung hindi personal na dadalo sa mga pagpupulong at deliberasyon ang mga senador.
Gayunman, nilinaw ng Malacañang na hindi nito pakikialaman ang magiging desisyon ng Senado dahil nasa kanilang kapangyarihan ang pagdedesisyon ukol sa kanilang internal rules.
Dagdag pa ni Castro, magandang pagkakataon ito upang makita ng publiko kung ang mga lider ay tunay na nagtatrabaho para sa bayan o para sa pansariling interes lamang. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)