Advertisers
IGINIIT ni Senate President Alan Peter Cayetano na walang katotohanan ang alegasyon ng minorya na may kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang panukalang pag-amyenda ng Majority bloc sa rules ng Senado tungkol sa remote participation.
Aniya, wala namang panukalang baguhin ang impeachment rules ng Senado dahil naaprubahan na ito nang pormal na magtipon ang Senado bilang impeachment court noong May 18.
“Wala pong katotohanan na y’ung amendment ng rule na ito ay nakaugnay sa amendment sa rule sa impeachment. Bakit po? Unang-una, in-adopt na po namin y’ung rules sa impeachment. Kapag binago namin iyon, ipa-publish pa at tatagal pa iyon,” wika ni Cayetano sa isang Facebook Live nitong May 30, 2026.
“Ang pinag-uusapan ay rule sa Senado. Wala pong katotohanan y’ung mga nagpo-post na nagsasabing ito po ay may kinalaman sa impeachment,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, magkaibang usapin ang impeachment at ang panukalang pagbabago sa Senate rules.
Tinukoy niya ang mainit na sesyon ng Senado noong May 26 kung saan tumutol ang ilang senador ng Minority sa panukalang amyenda sa Senate rules upang payagan ang remote participation sa mga sesyon.
Inihain ni Senador Rodante Marcoleta ang panukala at naging sentro ng debate kung maaari ba itong talakayin sa plenaryo. Upang maresolba ang usaping pamamaraan, gumawa ng mosyon si Cayetano na pagpapasyahan ito sa pamamagitan ng botohan.
Nauwi sa walkout ng mga miyembro ng Minority bloc ang sesyon at naghain ng mosyon para sa adjournment si Senate Minority Leader Vicente Sotto III.
Ayon kay Cayetano, ang pinagdedebatehan lamang noon ay kung maaari bang talakayin ang panukalang amyenda, at hindi pa ang mismong nilalaman ng panukala ni Marcoleta.
“Let’s clarify some things sa rules mismo ng Senate. Nakalagay doon, simple: The Majority can amend. Again, i-emphasize ko ha kasi binabaliktad nang binabaliktad ng ating kaibigan na si Senator (Panfilo) Lacson. Sabi niya, OK lang pag-usapan ang rules, huwag lang i-railroad. Wala pong railroading. Ang sinasabi po kasi niya, nasa Committee yung rules,” paliwanag niya.
“Ang plenary po ay mas powerful sa committees… So we were not violating any rule. And in fact, May 11 pa nag-start iyan (i-take up)… (Ang totoo niyan) Ilan lang kasi sila nandoon during that Tuesday night (kaya ayaw pag-botohan). But the point is, we were ready to defend and talk about the proposal,” punto pa niya.
Sinabi rin ni Cayetano na ang ugat ng usapin ay ang pangamba ng Minority na mawala ang kanilang impluwensya o kontrol sa Senado.
“Representation is very important because it’s all about control… I want you to understand that the rule about voting is tied to control. Thirteen ang kailangan para palitan ang Senate President, pero ang magpapatawag ng hearings ay ang chairperson,” sabi ni Cayetano.
“So meaning, kung maibabalik sa kanila (ang leadership), ise-schedule ba nila yung flood control hearing? Kontrolado din po ng Majority at ng chairman kung sino ang iimbitahin,” aniya, sabay giit na dapat patas ang pagdinig ng Blue Ribbon kaugnay sa flood control scam sa June 4. (Mylene Alfonso)