Ombudsman sa Sandiganbayan: Ipatawag ang COA auditor kaugnay ng kasong graft nina Duque at ex-DBM Usec. Lao
Advertisers
HINILING ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na payagan silang magharap ng state auditor bilang testigo sa umano’y naantala at non-delivery ng COVID-19 procurement items.
Kaugnay ito sa kasong graft na isinampa laban kay dating Health Secretary Francisco Duque III at kay dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao.
Nag-ugat ang kasong graft laban kina Duque at Lao sa umano’y labag sa batas na paglipat ng ?41 bilyon na pondo ng Department of Health (DOH) sa Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS), na pinamumunuan noon ni Lao, para sa pagbili ng mga medical supplies noong panahon ng pandemya.
Kabilang sa mga ito ang detection kit, nucleic acid extraction machine, mechanical ventilator, personal protective equipment, surgical mask, cadaver bag, at iba’t ibang test kit.
Una nang kinuwestiyon ng defense team ni Duque kung materyal ba ang testimonya ng Commission on Audit (COA) auditor para sa pagpapatibay ng kaso.
Giit naman ng mga prosecutor, mahalaga ito dahil tutugon ito sa pangunahing isyu ng kaso.
Inatasan ng Sandiganbayan First Division Chairperson Associate Justice Maria Theresa Mendoza-Arcega ang panig ng depensa at tagausig na magsumite na lamang ng kanilang mga argumento.