Advertisers

Advertisers

Pre-trial ni VP Sara, dapat masaksihan ng Sambayanan – Bantay Senado

0 3

Advertisers

Nananawagan ang Bantay Senado, isang citizen-monitoring network na nagbabantay sa impeachment trial ng Bise Presidente Sara Duterte sa Senado, sa Senate Impeachment Court na payagan ang media at publiko na masaksihan ang gaganaping pre-trial conference sa Hunyo 18. Ayon sa grupo, isang obligasyong itinakda ng Konstitusyon at hindi lamang isang opsyon sa proseso ang transparency o pagiging bukas ng mga pagdinig sa impeachment

Sa abisong inilabas ng Senate Impeachment Court, nakasaad na “hindi bukas sa media o publiko,” ang pre-trial conference sa Hunyo 18 upang mabigyan umano ang magkabilang panig ng “pinakamalawak na kalayaan



Ang pre-trial conference ang yugto kung saan itinatakda ang mga panuntunan ng paglilitis, pormal na minamarkahan ang mga ebidensiya, at tinutukoy ang mga magiging testigo. Para sa Bantay Senado, hindi simpleng administratibong hakbang lamang ang mga ito kundi mahahalagang desisyong huhubog sa kabuuang takbo ng paglilitis. Dahil dito, may karapatan ang mamamayang Pilipino na malaman at masaksihan kung paano ginagawa ang mga naturang desisyon.

“Ang impeachment trial ng isang nakaupong Bise Presidente ay hindi isang pribadong alitang legal sa pagitan ng dalawang panig. Isa itong prosesong konstitusyonal na isinasagawa sa ngalan ng sambayanang Pilipino. Ang bawat yugto ng prosesong ito, kabilang ang pre-trial, dapat isagawa ng may ganap na transparency. Hindi opsyonal na kalahok ang publiko sa mga pagdinig,” ayon kay Prof. Cleve V. Arguelles, Convenor at Tagapagsalita ng Bantay Senado.



Nilinaw ng Bantay Senado na wala itong kinikilingang panig at hindi ito nagbibigay ng posisyon hinggil sa merito ng kaso laban kay Bise Presidente Duterte. Gayunman, napansin ng grupo na may ilang miyembro ng prosecution panel na nagpahayag ng suporta sa isang bukas at pampublikong pre-trial conference, at buong suporta rin umano ang Bantay Senado sa paninindigang ito.

Binigyang-diin din ng grupo ang mas malawak na implikasyon ng naturang desisyon sa demokrasya. Ayon dito, sa isang prosesong konstitusyonal na may ganitong kalaking epekto, hindi pribilehiyong maaaring ipagkaloob o ipagkait ng hukuman ang pag-access ng publiko ayon sa kagustuhan nito. Mahalaga itong kondisyon upang mapanatili ang kredibilidad at pagiging lehitimo ng buong impeachment trial.



“Ang impeachment trial at ang impormasyong inilalabas nito ay malinaw na mga usaping may malaking interes sa publiko. May karapatan ang mamamayan sa mga impormasyong ito, lalo na’t itinataguyod ng estado ang ganap na pagsisiwalat ng mga bagay na may kinalaman sa publiko. Ang pagsasara ng pre-trial sa media at publiko nang walang matibay na konstitusyonal na dahilan ay maaaring magdulot ng seryosong katanungan hinggil sa pagtupad ng hukuman sa due process at prinsipyo ng bukas na hustisya. Ang transparency sa pre-trial stage ay hindi salungat sa patas na paglilitis,” ayon naman kay Atty. Michael Tiu Jr., legal expert na katuwang ng Bantay Senado at Assistant Professor sa University of the Philippines College of Law.

Ayon sa Bantay Senado, inilalabas nila ang panawagang ito bilang isang citizen-monitoring body na may mandatong tiyakin na ang buong proseso ng impeachment, mula pre-trial hanggang sa paglalabas ng hatol, ay isinasagawa nang bukas, patas, at naaayon sa Konstitusyon. Dahil dito, nananawagan sila sa Senate Impeachment Court na agad maglabas ng panibagong abiso na magbubukas sa Hunyo 18 pre-trial conference para sa media at publiko.

“Magmatyag. Magpaliwanag. Mangalampag. Bantay Senado.”

*Tungkol sa Bantay Senado

Ang Bantay Senado ay isang non-partisan o hindi kumikiling na citizens’ monitoring network na binuo upang matiyak na ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado ay maisasagawa nang may transparency, pagiging patas, at pagsunod sa Konstitusyon. Isa ito sa mga pangunahing inisyatiba ng Team Pinas Foundation at kasalukuyang may mahigit 400 rehistradong boluntaryo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Media Contact

Cleve V. Arguelles

Convenor and Spokesperson, Bantay Senado

Mobile: 09171729493

Viber: 09998770572

Email: bantaysenado@teampinas.ph | arguelles.cleve@gmail.com