Advertisers
Nanawagan ang Archdiocese of Palo na ipagdasal ang mga biktima ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sa isang pahayag, sinabi ni Palo Archbishop John Du na ikinagulat nila at ipinagluluksa ang karumal-dumal na pangyayari na kumitil sa buhay ng mga inosente.
Nakiisa rin daw sila sa mga apektado ng trahedya partikular ang paaralan at ang komunidad.
Ayon sa arsobispo, hamon din ito ngayon para sa lahat bilang isang bansa, pamilya at komunidad na pagnilayan kung paano pinalalaki ang mga bata at kung ano ang itinuturo sa kanila.
Hinimok din ni Archbishop Du ang lahat na magkaisa at magtulungan upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.
***
Lumalabas rin sa imbestigasyon ng pulisya na planado ang nangyaring pamamaril sa loob ng isang pampublikong high school sa Tacloban City na ikinasawi na 3 mag-aaral.
Ayon kay Region 8 Police Director BGen. Jason Capoy, bago pa mag-May 1, ay napag-alaman na pinagplanuhan ang nasabing krimen na kung saan may target itong isang indibidwal na hindi nila nakita ng mga panahong ginawa nila ang nasabing aktibidad.
Dahil hindi umano makita ang kanilang target ay nagpaputok na lang ito sa kahit na sino sa nasabing paaralan.
Ayon pa kay Capoy, ang isa sa mga menor de edad ay naimpluwensyahan ng larong Gorebox na kahalintulad umano ng larong Roblox na iniuugnay na sa karahasan dahil malaya itong makagawa, makakasira at makapagdulot ng kaguluhan gamit ang iba’t ibang uri ng armas.
Sinabi ni Capoy, na nakababahala ang mga text message ng mga suspek na kumalat na rin online dahil alam nila na hindi sila makukulong agad at nagbabasa rin umano ito ng batas patungkol sa juvenile justice.
Kaugnay nito 20 sa napaulat na nasugatang mag-aaral sa nasabing insidente kung saan ang 15 rito ay direktang may kaugnayan sa pamamaril habang ang 5 naman ay dahil sa pagtalon sa nasabing eskwelahan.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek kasama ng City Social Welfare and Development (CSWD) habang nagpapatuloy ang imbestigasyon .
Samantala nanawagan naman si Senator Robinhood Padilla na bigyan ng pagkakataon ang isinusulong niyang panukala na amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act.
Kaugnay ito ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng 3 at ikinasugat ng lima kung saan dalawang menor de edad ang suspek.
Giit ni Padilla, dapat na maibaba sa 10 taong gulang mula sa 15 taong gulang ang minimum age of criminal responsibility dahil sa tindi ng mga krimen na kinasasangkutan na rin ng mga kabataan.
Tinukoy pa ng senador na ang Europa kung nasaan naroon ang mga opisina ng UN-Human Rights ay itinakda sa sampung taon ang age of criminal responsibility kaya bakit hindi natin gayahin dahil karamihan naman ng best practices sa ibang bansa ay ginagawa na rin natin.
Punto ni Padilla, dumarami ang mga kabataang nasasangkot sa paghoholdap, panghahalay at ngayon ay nasasangkot pa sa pamamaril.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com