Advertisers
Ipinapanukala ni Oriental Mindoro First District Congressman Arnan C. Panaligan ang pag-amyenda sa Republic Act No. 11203 (Rice Tariffication Law) upang ibalik sa pamahalaan ang kapangyarihang manghimasok sa merkado sa pamamagitan ng pagbili at pagbebenta ng bigas.
Layunin nitong maiwasan ang pagbagsak ng presyo ng palay at mapatatag ang presyo ng bigas.
Ayon kay Cong. Panaligan, hindi dapat ipinapaubaya sa pribadong sektor ang pagtatakda ng presyo ng pangunahing pagkain.
Isa si Cong. Panaligan sa mga pangunahing may-akda (principal authors) ng substitute bill na nag-amyenda sa Republic Act No. 11203, ang Rice Tariffication Law na isinusulong ng Committee on Agriculture sa House of Representatives.
Sa ilalim ng panukalang batas, binibigyan ang Pamahaalan ng kapangyarihan na gumalaw at kumilos sa merkado kung bagsak ang farm gate price ng palay upang maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.
Ibinabalik din sa Pamahalaan ang kapangyarihan na gumalaw sa merkado kung mabilis at labis ang pagtaas ng presyo ng bigas para maprotektahan din ang interes ng mamamayan na bumibili ng bigas.
“Hindi tama na ipaubaya lang sa pribadong sektor ang pagtatakda ng presyo ng palay at presyo ng bigas sapagkat ito ay napakahalagang pagkain o staple food ng taumbayan. Iyan ang layunin at iwinawasto ng ating panukalang batas.” – sabi ni Panaligan
“Nawa ay mapagtibay agad ng dalawang kamara ng Kongreso ang panukalang batas na ito at isama sa mga prayoridad ng Administrasyon”. – giit ng kongresista
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com