Advertisers
By Anne Venancio
Sa loob ng mahigit 11 taon bilang mag-asawa, patuloy na hinahangaan sina Dingdong Dantes at Marian Rivera bilang isa sa pinakamatatag na celebrity couples sa bansa.
Noong Disyembre 2024, muling pinagtibay ng dalawa ang kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng isang renewal of vows na ginanap sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao. Kasama nila sa espesyal na okasyon ang kanilang mga anak na sina Zia at Sixto.
Marami ang nagtatanong kung ano ang sikreto ng kanilang matibay na pagsasama sa kabila ng kanilang abalang career at responsibilidad bilang mga magulang.
Ayon kay Dingdong, bukas at tapat na komunikasyon ang isa sa pinakamahalagang pundasyon ng kanilang relasyon.
“May gagawin kami somewhere, we will be together for quite a long time. So, makakapag-usap kami, ‘yun naman talaga ‘yung pinakamahalaga, usap talaga,” ani ng aktor.
Dagdag pa niya, mas epektibo ang personal na pag-uusap kaysa sa pagpapalitan lamang ng text messages. Para kay Dingdong, walang makakapalit sa kalidad ng oras na magkasama sila ni Marian, dahil dito nila mas napapalalim ang kanilang pag-unawa sa isa’t isa at nalalampasan ang anumang hamon.
Sa kabila ng kanyang busy schedule, sinisikap pa rin ni Dingdong na bigyan ng sapat na oras ang kanyang pamilya. Bukod sa pagiging lead star ng The Master Cutter, abala rin siya bilang host ng Family Feud at mapapanood din sa pelikulang Remember.
***