Advertisers
By Anne Venancio
Patuloy na pinag-uusapan online ang tila palitan ng patutsada sa pagitan ng It’s Showtime host na si Kim Chiu at entertainment vlogger at talent manager na si Ogie Diaz matapos ang kanilang magkahiwalay na mga post sa X.
Nagsimula ang usapan nang magtanong ang isang netizen kung bakit tila hindi umano natitigil ang mga isyung iniuugnay kay Kim kahit tahimik lamang itong nagtatrabaho. Ni-repost ito ng aktres at nagbigay ng maiksing pahayag na tila may pinatatamaan.
Ayon kay Kim, “Truelamey!!! #cravings nila ako! Bet na bet! for monetization isama ko na din cguro to sa #KimChiuCharityProgram monetization is the key. You’re welcome po. makatulong man lang sa pang araw araw.”
Kasunod nito, may netizen na nag-tag kay Ogie Diaz at ipinakita ang naging pahayag ni Kim tungkol sa “monetization,” na ikinabasa ng marami bilang posibleng tugon sa talent manager.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik si Ogie sa pagsagot. Aniya, “Salamat po. Nakatulong din tayo para makaangat ang isang artista sa mga panahong kailangan nilang makilala at sumikat. At ma-monetize ang career.”
Bagama’t walang direktang binanggit na pangalan si Ogie sa kanyang sagot, marami ang naniniwalang konektado ito sa naging komento ni Kim.
Matatandaang nagsimula ang usap-usapan matapos balikan ni Ogie sa kanyang vlog ang naging hallway encounter nila ni Kim, na iniugnay rin sa “Lotus Feet” joke ng actress-host sa It’s Showtime. Nilinaw noon ni Ogie na posible namang wala umanong masamang intensiyon si Kim at pinili na lamang niyang unawain ang nangyari.
Sa ngayon, wala pang karagdagang pahayag ang magkabilang panig tungkol sa isyu, ngunit patuloy itong sinusubaybayan ng kanilang mga tagasuporta sa social media.