Advertisers
SUGATAN ang dalawang sundalo at tatlong sibilyan sa pagpasabog ng granada ng riding in tandem sa sentro ng Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Corporals Jessie Jay Bulanay at Arnel Calapan ng 4th Scout Ranger Company, 2nd Scout Ranger Battalion ng Philippine Army; tatlong civilians na sina John Dave Usman Santiago, Bassir Amban Batong at Pamiya Upam Bulingkif.
Sakay ng military KM 450 vehicle ang mga tropa ng 4th Scout Ranger Company nang hagisan ng granada ng isa sa dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo. Masuwerte lamang na hindi umabot sa cargo deck ng military vehicle ang granada, bumagsak ito sa sementong highway at sumabog malapit sa kinaroroonan ng tatlong sibilyan.
Ang tropa ng 4th Scout Ranger Battalion, na target ng grenade attack, ay patungo sa Isulan, Sultan Kudarat, para mamalengke, ayon sa opisyal ng 6th ID sa Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Nagtutulungan ang mga unit ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ang 6th Infantry Division sa paghanap sa riding in tandem na pinaniniwalaang kabilang sa natitirang miyembro ng Dawlah Islamiya.
Agad na nakatakas ang riding in tandem matapos ihagis ang granada sa bahagi ng Cotabato-Isulan Highway sa Población ng Shariff Aguak.