Advertisers

Advertisers

‘Wag itago ang katotohanan! ‘BUKSAN ANG BANK RECORDS NI VP SARA!’

0 8

Advertisers

LUMAKAS ang panawagan ng sambayanang Pilipino sa Senado, bilang impeachment court, na ipasuri at buksan ang bank records, tax records, at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ni Vice President Sara Z. Duterte upang maberipika ang katotohanan sa mga paratang ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Ito ang sinabi nina House trial spokesperson Representative Zia Alonto Adiong ng Lanao at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. sa isang press briefing nitong Lunes.

Ayon kay Alonto Adiong, malinaw sa Konstitusyon na ang Senado ang may eksklusibong kapangyarihang litisin at magpasya sa mga kasong impeachment, kaya hindi nito dapat limitahan ang sarili sa pagkuha ng mahahalagang ebidensiya.

“Ang sinasabi ng House Prosecution Panel, gaya ng sapat na ipinaliwanag ni Prosecutor Chel Diokno sa kanyang oral argument, dapat hindi nililimitahan ng Senado ang kapangyarihang ito,” ani Alonto Adiong.

Hiniling ng prosecution panel na magpalabas ang impeachment court ng subpoena para sa bank records, mga dokumento sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at mga rekord ng AMLC na may kaugnayan kay Duterte, sa kanyang asawa na si Manases Carpio, at sa kanilang mga pinansyal na interes.

Ang mga dokumentong ito ay kaugnay ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi umano pagdedeklara ng ilang ari-arian.

Ayon kay Alonto Adiong, mahalagang magkaroon ang hukuman ng kumpleto at tumpak na batayan upang makapaglabas ng patas at makatarungang pasya.

Binalikan din niya ang impeachment trial ni dating Pangulo Joseph Estrada noong 2001, kungsaan bumoto ang senator-judges ng 11-10 laban sa pagbubukas ng tinaguriang “second envelope” na umano’y naglalaman ng mahahalagang ebidensiya hinggil sa isang bank account na iniuugnay kay Estrada sa ilalim ng ibang pangalan. Dahil dito, nag-walkout ang prosecution panel at hindi na natapos ang paglilitis.

“Nauunawaan natin ang panawagan ng taumbayan para sa pananagutan at para gamitin ng Senado ang natatangi nitong kapangyarihan bilang impeachment court,” dagdag ni Alonto Adiong.

Samantala, sinabi ni Tolosa na nakikiisa ang House prosecution sa panawagan ng publiko na ilabas at suriin ang mga hinihiling na dokumento.

“Nakikinig kami at sumasang-ayon kami sa panawagan ng ating mga kababayan na napakahalaga na makita ang mga dokumentong ito upang malaman ang kabuuang yaman ng Vice President,” ani Tolosa.

Ipinaliwanag niyang nakabatay ang kanilang kahilingan sa Konstitusyon, umiiral na mga batas, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga naunang impeachment proceedings. Aniya, ang pagpapalabas ng mga dokumento ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagkakasala, dahil ang impeachment court pa rin ang magpapasya kung tatanggapin ang mga ito bilang ebidensiya at kung gaano kalaki ang magiging bigat nito.

Nilinaw rin ni Tolosa ang usapin tungkol sa P6.7 bilyong halagang lumabas sa mga rekord ng AMLC. Aniya, ang naturang halaga ay tumutukoy sa kabuuang halaga ng mga financial transactions na iniuugnay kina Duterte at Carpio, at hindi sa balanse ng isang bank account.

“Ipinakita sa AMLC records na ang Vice President at ang kanyang asawa ay may mga financial transactions na umaabot sa P6.7 bilyon. Binigyang-diin ko, P6.7 bilyon. Ang paliwanag ng kampo ng Vice President ay maaaring lumobo lamang ang bilang dahil sa paulit-ulit na paglilipat ng pera sa iba’t ibang bank accounts,” ani Tolosa.

Ayon pa sa kanya, kung iyon ang depensa ng kampo ni Duterte, mas makabubuting mabuksan ang mga bank records upang tuluyan nang malinawan kung magkano nga ba talaga ang laman at galaw ng kanilang mga account.

“Kung ganoon ang kanilang depensa, hindi ba makatutulong para sa lahat—at maging para rin sa kanila—na mabuksan ang mga bank records na ito upang minsan at magpakailanman ay malaman kung magkano talaga ang laman ng kanilang mga bank account?”, pagtatapos ni Tolosa.