Advertisers
UMAPELA si Oriental Mindoro 1st District Congressman Arnan C. Panaligan sa Maritime Industry Authority (MARINA) na hikayatin ang mga shipping company na magpatupad ng rollback sa passenger at rolling cargo rates sa rutang Calapan City–Batangas.
Sa liham na may petsang Hulyo 1, 2026 na ipinadala kay MARINA Administrator Sonia B. Malaluan, ipinaliwanag ng kongresista na tumaas ang pamasahe at cargo rates noong Marso kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa pagitan ng US at Iran.
Ayon sa liham, ang karaniwang passenger fare ay tumaas mula ?529 hanggang ?728, habang ang rolling cargo rates para sa mga trak na nagdadala ng pagkain at produktong agrikultural ay umakyat mula ?6,343 hanggang ?8,503.
Ngunit ngayong bumababa na ang presyo ng langis dahil sa pagtigil ng labanan sa Middle East at sunod-sunod na oil price rollbacks, sinabi ni Cong. Panaligan na panahon nang ibaba rin ang singil sa barko.
Binigyang-diin niya na ang mataas na pamasahe at cargo rates ay nagpapabigat sa mga pasahero at nakadaragdag din sa presyo ng mga pangunahing bilihin na dinadala papasok at palabas ng Oriental Mindoro.
Bagama’t dereguladong industriya ang shipping, sinabi ni Panaligan na may kapangyarihan ang MARINA na bantayan ang operasyon ng mga shipping company upang matiyak na napoprotektahan ang kapakanan ng publiko.
Umaasa ang kongresista na agad kikilos ang MARINA upang mapagaan ang gastusin ng libu-libong biyahero, magsasaka, agricultural producers, at maliliit na negosyante na umaasa sa rutang Calapan–Batangas. (RONALD BULA)